PBBM

Serbisyo ng gobyerno inilapit sa publiko sa pamamagitan ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair

252 Views

INILAPIT ng administrasyong Marcos ang serbisyo ng gobyerno sa publiko sa pamamagitan ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF), ang pinakamalaking service caravan sa bansa.

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Serbisyo Caravan na naglalayong dalhin sa iba’t ibang lugar ang iba’t ibang serbisyo upang mas madali itong mapuntahan ng mga nangangailangan.

“Kaya’t ‘yan po ang inyong pamahalaan. Ang gobyerno po ang lumalapit na ngayon sa inyo. Hindi kayo namin inaantay pang pumunta sa gusali, sa opisina ng mga government offices. Kami na po ang lalapit,” ani Pangulong Marcos sa distribusyon ng bigas sa Iriga City, Camarines Sur ngayong Sabado.

“Iyan po ang Bagong Pilipinas na programa. Pagka gumagawa kami ng fair na ganyan, kasama lahat. Iyon na lang, isa lang ang pupuntahan niyo,” dagdag pa ng Pangulo.

Ang Serbisyo Caravan sa Nabua, Camarines Sur, Laoag, Ilocos Norte; Tolosa, Leyte; at Monkayo, Davao de Oro ay sabay-sabay na inilungsad.

Ayon kay Camarines Sur Rep. Miguel Luis Villafuerte, nasa 200,000 residente ang inaasahang magbebenepisyo sa BPSF kung saan nagsama-sama ang mga flagship government program gaya ng Kadiwa ng Pangulo, Passport on Wheels, at pagkuha ng Driver’s License, National I.D., Pag-IBIG Fund, National Bureau of Investigation (NBI) at police clearance.

Bukod sa Serbisyo Fair, pinangunahan din ng Pangulo ang pagdadala ng tulong sa mga magsasaka ng Camarines Sur.

Sa Iriga City, namigay ang Pangulo ng bigas sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

“At ngayon po, ito naman ay ang bigas para naman makatulong at makatiyak na hindi po naghihirap masyado ang ating mga kababayan na kahit papaano may nakakain, kahit papaano napapakain ang inyong mga pamilya,” sabi ng Pangulo.

“At kung hindi talaga kaya, nandito po ang pamahalaan na tutulong sa inyo,” dagdag pa nito.

Ang Pangulo ay sinamahan nina Labor Secretary Bienvenido Laguesma, Trade Secretary Alfredo Pascual, Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos, Transportation Secretary Jaime Bautista, Communications Secretary Cheloy Velicaria-Garafil at Commission on Higher Education Chairman Prospero De Vera.