BBM

Best ng Pinoy ilalabas sa Bagong Pilipinas program—PBBM

Neil Louis Tayo Sep 23, 2023
107 Views

KUMPIYANSA si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na lalabas ang “best” ng mga Pilipino sa Bagong Pilipinas program na makatutulong sa pagsulong kaunlaran ng bansa.

“Ang Bagong Pilipinas ay sinasabi natin, ‘yun na nga kagaya ng nabanggit ko sa aking salita ay sinabi ko — ay ang mundo nagbago na, kailangan natin magbago rin. Ngunit ang pagbabago na dala natin ay ‘yung nasa ugali ng Pilipino. Ngayon, ang sinasabi natin ay sayang naman at napakagaling ng Pilipino,” ani Pangulong Marcos sa panayam sa Iriga City.

“Kung minsan ay ‘yung sistema, ang mga sector, ‘yung mga sa trabaho, sa agrikultura, lahat ‘yan ay hindi talaga napapakinabangan ng mga husay at galing nila. Kaya’t ang Bagong Pilipinas, lahat po tayo magsama-sama. Lahat ng ating galing, lahat ng ating sipag para sa ikabubuti ng ating minamahal na Pilipinas. Iyan po ang kahulugan ng Bagong Pilipinas,” sabi pa ng Pangulo.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa ginawang paglulungsad ng Bagong Pilipinas Serbisyo Caravan, ang pinakamalaking service caravan sa bansa na naglalayong ilapit sa publiko ang mga serbisyo ng gobyerno.