Calendar
Show ni Jillian pwede na sa Baliwag
PERSONAL na humingi ng apology sina GMA Assistant Vice President for Drama Ali Nokom Dedicatoria at “Abot Kamay Na Pangarap” executive producer Joy Lumboy-Pili kay Baliwag, Bulacan Mayor Ferdie Estrella kahapon (February 19).
Ito ay dahil sa pagpuna ng mga manonood sa isang episode ng seryeng pinagbibidahan ni Jillian Ward kasama si Carmina Villarroel.
Sa isang episode ng ‘Abot Kamay na Pangarap,’ nagamit ang pangalan ng lugar (Baliwag) bilang salitang kolokyal na iniugnay sa katagang ‘baliw’ sa isang eksena nina Jackielou Blanco at Pinky Amador (naipalabas noong February 14, Araw ng mga Puso). Nakarating diumano ito sa kaalaman ng alkalde ng Baliwag (o Baliuag) na si Mayor Ferdie at hindi nito ito nagustuhan. Tinawag pa nitong iresponsable ang writer ng naturang programa.
Dahil dito, naglabas ng statement ang lungsod bilang pagdepensa at pagsalag sa inaakala nilang makasisira sa imahe ng kanilang mahal na lugar.
Malalim at mayaman ang legasya ng lungsod pagdating sa kasaysayan ng bansa. May ugat dito (Baliuag) ang mga bayani tulad ni Mariano Ponce, propagandista ng rebolusyon laban sa mga Kastila at kaibigan nina Jose Rizal at Juan Luna, gayundin ang maraming kilala sa larangan ng sining at entertainment tulad nina Bert ‘Tawa’ Marcelo, Manila Vice Mayor Yul Servo, Batangas Vice Governor (at boyfriend ni Kris Aquino) Mark Leviste, actor Cris Villanueva, comedian Empoy Marquez at iba pa.
Nakarating ito sa pamunuan ng GMA7 at gumawa naman sila ng isang formal statement kung saan sila humihingi ng paumanhin.
At personal pang pumunta sa tanggapan ni Mayor Estrella ang dalawang GMA executives upang ipaabot ang kanilang pahayag.
Mainit namang tinanggap ni Mayor Ferdie ang mga kinatawan ng programa.
Sinabi rin ng alkalde na masugid na manonood ng “Abot Kamay Na Pangarap” (na tinatampukan nina Jillian Ward at Carmina Villarroel) ang kanyang mga nasasakupan kaya nakarating sa kanya ang tungkol sa nasabing eksena.
Kasunod nito, sinabi ng mayor na bukas ang kanilang lungsod kung nanaising mag-taping doon ang programa.