Devon

Devon napaso sa relasyon kay Kiko

Eugene Asis Feb 20, 2024
69 Views

AYAW nang pag-usapan ng magandang aktres na si Devon Seron ang tungkol sa kanila ni Kiko Estrada.

Nagkaroon sila ng kaugnayan noong 2015 at balitang pinagsabay sila ni Kiko ng nagsisimula pa rin noon na si Heaven Peralejo.

Itinanggi ito ni Kiko na nagsabing isang buwan na silang wala noon ni Devon nang maging sila ni Heaven.

Gayunman, ikinasama pa rin ito ng loob ni Devon na halatang devastated dahil sa nangyari.

Sa ngayon, pinagtutuunan na lang daw ng Cebuana beauty ang kanyang career. “Priority ko ngayon ang pamilya ko,” ani Devon nang makausap namin sa presscon ng pelikulang ‘After All’ na ginanap sa Eastwood Richmonde Hotel. Mga pangunahing bituin sa pelikula sina Beauty Gonzalez at Kelvin Miranda sa isang May-December love story.

“Gusto kong makabawi sa mga magulang ko,” sabi pa ni Devon. “Gusto ko pa ng maraming projects ngayon para occupied ang oras at utak ko. Suko muna ako sa pag-ibig pero hindi sa paglaban sa buhay.”

Produkto ng reality show na ‘Pinoy Big Brother’ noong 2010, isa si Devon sa mga hinuhulaan noon na magiging maganda ang career sa showbiz. Nagkaroon siya ng sunud-sunod na projects (na tinatawag niyang blessings), at nakuha pa siya para sa isang South Korean movie.

Pero tila hindi pa panahon yun para umangat ang kanyang career. “Siyempre, napakarami naming artista at kung talagang hindi para sa yo ang isang project, hindi sa yo yun.”

Sa ngayon, may mga nakatakda pa siyang gawing pelikula pero ayaw muna niyang sabihin kung ano ang mga ito. “Waiting lang ako,” sabi pa ng laging nakangiting si Devon.

Samantala, bukod kina Beauty, Kelvin at Devon, ang ‘After All’ ay tinatampukan din nina Teejay Marquez, Tart Carlos, former Miss World Philippines candidates Dindi Pajares, Katrina Llegado at Riana Pangindian, at iba pa, ay mula sa panulat ni Gina Marissa Tagasa at sa direksyon Adolf Alix, Jr. Ito ay sa ilalim ng ALV Films ni Arnold Vegafria at mapapanood sa mga sinehan simula sa February 28.