Engage

EA, Shaira umaming matagal nang engaged; birhen pa rin ba?

Eugene Asis Feb 16, 2024
68 Views

EA EA EAIKA-LABING-ISANG taon na ang ipinagdiriwang nina Egar Allan ‘EA’ Guzman at Shaira Diaz bilang magkasintahan Pebrero 17 ngayong taong ito. At ngayon, Pebrero 16, isinapubliko na nila sa pamamagitan ng Unang Hirit, ang pang-umagang programa ng GMA7 kung saan regular host ang dalaga, na engaged na sila noon pang Disyembre 25, 2021.

Guest si EA sa Unang Hirit para mag-promote ng bagong proyekto niya sa Kapuso network, ang Lilet Matias, Attorney-at-Law, na mapapanood simula sa Marso 4, 2024.

“Yes, mga Kapuso and mga UH family, Shaira and I are engaged,” pahayag ni EA habang nasa tabi siya ni Shaira na isa sa may pinakamagandang mukha sa showbiz.

Bakit ngayon lang nila ito isinapubliko?

Sagot ni Shaira, “Ngayon ko lang na-feel talaga na reding-redi na ako, ready na akong gumawa ng pamilya in the future. Makasama siya habambuhay.”

Sa mga naunang panayam namin kay EA, tulad sa isang event noong isang taon ng Beautederm kung saan isa siya sa endorsers ng kumpanya ni Rhea Anicoche Tan, sinabi niyang napag-uusapan na rin nila ang kasal. Pero ayon sa kanya, pinaghahandaan nila itong mabuti.

Pero makikita naman kung gaano na kakampante si Shaira kay EA dahil nagkakasama na sila sa maraming biyahe na sila lamang dalawa ang magkasama, kabilang na ang pagbisita nila sa pamilya ni Shaira sa Amerika (Virginia, West Coast) at sa South Korea.

Kaya nga, tulad ng hinala ng marami, sigurado na si Shaira kay EA. May mga malisyoso pa ngang nagsabi na higit pa sa kuwentuhan, pamamasyal at iba pang paraan ng pagi-enjoy ang nagaganap sa kanila sa kanilang mga biyahe.

Pero ayon kay EA, at sumusumpa siyang ihaharap niya sa altar si Shaira na birhen pa.

At isa nga raw ito sa kanilang napag-usapan.

Kailangan daw handa na si Shaira sa lahat bago sila magpakasal.

Ito ay bukod pa sa kailangang natupad na ni Shaira na mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya.

Sabi nga ni Shaira sa isang interview noong isang taon kung ready na siya sa proposal ni EA, “Ready naman na po. Pero alam naman niya po kasi ang mga kondisyones ko.

“Sabi ko, kailangan ko munang maka-graduate. Kailangan ko munang makabili ng ganito, ganyan.

“Nirerespeto naman po niya yun. So, no rush po kami parehas, lalo na’t ang gaganda na ng mga nangyayari sa career niya, hindi siya nawawalan ng trabaho. Ganundin po sa akin.”

At sa totoo lang, ready na siya dahil talaga palang engaged na sila.

Naisahan ba ang kanilang fans? Well, desisyon nila yun at iginagalang naman ito ng marami. At kung ‘yun lang ang itinatago nilang katotohanan sa kanilang fans, desisyon din nila yun.

Ayon kay EA, para sa ikabubuti ng kanilang career kaya nila itinago ang katotohanan sa kanilang relasyon sa mahabang panahon. At kung nakabuti nga o hindi, publiko na ang huhusga.