Sibuyas1 Source: DA

Sibuyas na puslit mula China kontaminado ng salmonella, metals

Cory Martinez May 9, 2025
16 Views

POSITIBO sa heavy metals at salmonella ang mga puslit na puting sibuyas mula China na nakumpiska noong Abril 26 sa isang bodega sa Brgy. Laug, Mexico, Pampanga.

Ito ang kinumpirma ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa inspeksyon noong Biyernes sa Mexico, Pampanga sa dalawang container vans na naglalaman ng tinatayang 34 metriko tonelada ng puslit na puting sibuyas na may market value na P4.1 milyon.

Misdeclared ang mga sibuyas bilang processed chicken karaage strips at naka-consign sa Leksei B. Specialized Goods Trading ang shipment.

Isa sa mga utos ni Pangulong Bongbong Marcos na sugpuin ang agri smuggling para hindi maapektuhan ang kabuhayan ng mga magsasaka.

Pinapurihan ni Tiu Laurel ang Criminal Investigation and Detection Group dahil sa kanilang mabilis na aksiyon.

“Nagpapasalamat tayo sa ating police officers sa kanilang pagbabantay at pakikipagtulungan sa DA upang protektahan ang kalusugan ng publiko at kabuhayan ng ating mga magsasaka,” anang kalihim.

Ang lason sa heavy metal nakakapagdulot ng cancer at nakakapinsala ng pangunahing organs sa katawan habang ang salmonella bacteria nagdudulot ng lason sa pagkain at iba’t-ibang impeksiyon.

Ayon sa BPI, maaaring ang importer o ang warehouse ay accredited ng ahensiya.

Ang isang nasakoteng container mayroong 1,800 ng pulang mesh bags ng puting sibuyas, habang ang isa naglalaman ng 1,600 bags na bawat isa tumitimbang ng 9 kilos kaya may kabuuang 34,200 kilos ang kontrabando.

Dumating ang mga sibuyas sa Port of Subic noong Abril 20 sakay ng SITC Hochiminh.

Sinabi ni BPI Director Glenn Panganiban na makikipagtulungan ang kanilang ahensiya sa mga alagad ng batas upang masiguro ang kaligtasan ng publiko at kaligtasan ng pagkain.

“Ipagpapatuloy namin ang pakikipagtulungan sa CIDG at iba pang law enforcement agencies upang masupil ang mga illegal na aktibidad hindi lamang sa ating hangganan kundi bago makarating sa ating mga mamimili,” ani Panganiban.