Calendar
‘SIGA NG CAVITE’ TINUTUGIS NA NG PULISYA
ISANG 57-anyos na negosyante na naghasik umano ng takot sa isang komunidad sa Kawit, Cavite matapos magpaputok nang walang habas ng isang awtomatikong riple at hamunin ang lahat ng suntukan noong Mayo 14 ay tinutugis na ngayon ng pulisya kasama ang kanyang mga high-powered na baril.
Kinilala ang suspek na si alyas “Manny” na umano’y nasa impluwensya ng alak nang masangkot sa magkahiwalay na insidente ng ilegal na pagpapaputok ng baril noong Mayo 14.
Nag-viral sa social media ang video ng insidente na nagbunsod ng masusing imbestigasyon ng pulisya at pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa akusado, na ang anak na babae ay iniulat na empleyado ng Presidential Management Staff.
Ayon kay Police Regional Office 4-A director Brigadier General Dominic L. Baccay, madaling-araw ng Hulyo 22 ay nagsagawa ng pagsalakay ang mga tauhan ng Kawit Municipal Police Station at Cavite Special Weapons and Tactics (SWAT) sa bahay ng suspek sa Barangay Tabon III, batay sa search warrant na inilabas ng Branch 120 ng Imus City Regional Trial Court kaugnay ng paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act of 2013.
Isang maintenance worker ang umano’y nagtangkang pigilan ang pagpasok ng mga pulis sa pamamagitan ng pagsasara ng gate ng compound. Dahil dito, napilitang buksan ito ng mga operatiba, dahilan upang tumama ang gate sa naturang lalaki at magdulot ng sugat sa kanyang mukha.
Nadatnan sa loob ng kanyang bahay ang akusado na may hawak na isang kalibre .45 na pistola, anim na magazine at 49 na bala. Gayunman, nakapagpakita siya ng mga dokumento mula sa Philippine National Police Firearms and Explosives Office (PNP-FEO) na nagpapatunay na may legal siyang pahintulot na magmay-ari ng naturang baril.
Hindi siya inaresto dahil walang nakuhang ilegal na baril ang mga awtoridad sa kanyang tahanan.
Noong Hulyo 23, sinampahan ang akusado ng panibagong kaso sa paglabag sa RA 10591 kaugnay ng ikalawang insidente ng ilegal na pagpapaputok ng baril.
Sinabi ni Brig. Gen. Baccay na sa isinagawang imbestigasyon ng Cavite Police Provincial Office sa pamumuno ni Colonel Arnel R. Red, lumabas na unang nasangkot ang suspek sa insidente ng walang habas na pagpapaputok ng baril sa kanilang lugar dakong alas-1:30 ng madaling-araw noong Mayo 14.
Batay sa imbestigasyon, lasing umano ang akusado nang bunutin nito ang isang maikling baril at pagbabanta sa ilang kalalakihan sa barangay. Makaraan nito ay nagpaputok siya malapit sa isang bakanteng lote bago sumakay ng traysikel pauwi sa kanyang bahay.
Makalipas ang 20 minuto, muli umanong nagpaputok ang suspek ng high-powered firearm sa harap ng kanyang bahay na malapit sa Barangay Tabon I Hall sa Kawit. Gayunman, walang pormal na reklamo o ulat na naihain sa Kawit Municipal Police Station kaugnay ng insidenteng ito.
Dalawang video ng umano’y ilegal na pagpapaputok ng baril ng suspek ang nag-viral sa social media.
Sa unang video, makikitang lasing umano ang suspek habang tinatakot ang mga naglalaro ng baraha sa Barangay Tabon I bandang alas-12 ng hatinggabi. Matapos matalo sa pustahan, bumunot siya ng itim na pistola, kinasa ito at itinapat sa ulo ng card dealer habang sinasabing, “Birahin mo ‘yang baraha, kung hindi ikaw ang bibirahin ko.”
Pagkatapos nito ay umalis ang akusado sakay ng traysikel bago marinig ang sunud-sunod na putok ng baril.
Hindi bababa sa limang saksi ang nagturo sa suspek bilang nagpaputok ng baril, habang isang indibidwal naman ang nakakuha ng 92-segundong video ng insidente.
Bandang alas-1:30 ng madaling-araw ng araw ding iyon, lumabas ang isa pang video sa social media na nagpapakita sa suspek na may hawak na maikling baril habang nagbabanta sa ilang kalalakihan sa Barangay Tabon I. Sa ikalawang video, makikitang dakong alas-1:49 ng madaling-araw ay nagpapaputok siya ng isang high-powered rifle sa Daang Bakal Street sa harap ng Tabon I Public Market at Barangay Hall.
Noong Mayo 18, sinampahan ang suspek ng tatlong bilang ng grave threats gamit ang baril at ilegal na pagpapaputok ng baril sa Office of the Cavite Provincial Prosecutor kaugnay ng unang insidente.
Ayon pa kay Brig. Gen. Baccay, noong Mayo 20 ay inirekomenda ng Kawit Municipal Police Station sa pamumuno ni Lieutenant Colonel Kristine Paras sa PNP-FEO ang pagbawi sa lisensya at rehistro ng mga baril ng suspek, kabilang ang kanyang Permit to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR).
Dagdag pa niya, patuloy na tinutugis ng lokal na pulisya ang mga baril ng akusado at ang kanyang kinaroroonan matapos umanong lisanin ng buong pamilya ng suspek ang kanilang compound ilang araw matapos itong salakayin ng Kawit MPS.
Sa beripikasyon ng Regional Civil Security Unit 4-A, napag-alamang ang suspek ay may hawak na License to Own and Possess Firearms (LTOFP) na may bisa hanggang Marso 23, 2027, at nakarehistro sa kanya ang isang Taurus kalibre .45 na pistola.
Sinabi rin ni Brig. Gen. Baccay na noong Hunyo 1 ay natuklasan ng mga imbestigador na ang akusado ay may dalawa pang baril—isang kalibre .45 na pistola at isang .30 Carbine light weapon—na ang rehistro ay nag-expire pa noong Marso 23, 2015.

