Calendar
Signal No. 1 nakataas dahil sa Bagyong Wilma
NAKATAAS ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa pitong lugar dahil sa Tropical Depression Wilma, batay sa 11 a.m. advisory ng Pagasa.
Isinailalim sa Signal No. 1 ang Northern Samar; Eastern Samar; Samar; Biliran; Leyte; at Southern Leyte sa Visayas at Surigao del Norte kasama ang Siargao at Bucas Grande Islands at Dinagat Islands sa Mindanao.
Huling namataan si Wilma sa layong 625 kilometro silangan ng Catarman, Northern Samar na may lakas na hanging aabot sa 45 kilometro bawat oras (kph) malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 55 kph.
Kumikilos ang tropical depression pakanluran timog-kanluran sa bilis na 20 kph.
“On the forecast track, the center of WILMA may make its initial landfall Eastern Visayas or Dinagat Islands between tomorrow (05 December) evening and Saturday morning,” ayon sa Pagasa.
Inaasahang bahagyang lalakas si Wilma bago mag-landfall ngunit malamang na mananatiling tropical depression sa buong forecast period, dagdag ng ahensiya.

