Baseball Source: File photo

Suspek sa paghataw sa ulo ng encoder ng baseball bat tiklo, biktima comatose

Edd Reyes Dec 4, 2025
468 Views

TIMBOG ang suspek na humataw ng baseball bat sa ulo ng 18-anyos na encoder na hanggang ngayon ay comatose pa sa pagamutan sa Malabon City.

Positibong kinilala ng testigo ang suspek na si alyas John, 24, na siyang pumalo ng dalawang beses sa ulo ni alyas Aldrin, makaraang madakip nina Pat. Emmanuel Angara at Pat. Mark Turaray ng Patrol Base 7 ng Malabon police sa ginawang follow-up operation sa Brgy. San Agustin sa naturang lungsod.

Nangyari ang insidente Lunes ng madaling araw sa Kagitingan St. Brgy. Muzon matapos pagsabihan ng biktima ang suspek at kanyang mga kasama na huwag itutok sa kanya ang malakas na ilaw ng kanilang motorsiklo dahil labis itong nakakasilaw.

Nairita umano ang mga suspek kaya’t naghamon ng away at dahil nag-iisa, kinuha ng biktima ang isang baseball bat bilang depensa sa sarili, subalit mula sa likuran ay binundol siya ng motorsiklo ng isa sa suspek na kanyang ikinabuwal.

Dito na dinampot ni alyas John ang baseball bat at dalawang ulit hinataw sa ulo ang biktima na nagtangka ng tumakbong palayo.

Hinahanap pa ng pulisya ang iba pang kasamahan ng suspek na nauna ng sinampahan ng kasong frustrated homicide sa Malabon City Prosecutor’s Office.