Sekyu

Sikyu pinatay elevator bilang energy conservation, nahulog, dedo

307 Views

DEAD on the spot ang isang 53-anyos na security guard matapos mahulog sa elevator shaft ng isang government building, Linggo ng umaga.

Natagpuang wala nang buhay sa basement elevator shaft ang biktima bandang alas-10:45 ng umaga—ilang oras matapos maiulat na nawawala.

Ayon sa imbestigasyon, huling nakitang buhay ang biktima alas-6:28 ng umaga nang hiramin niya ang susi ng elevator at access card mula sa isang kasamahan. Layunin sana niyang umakyat sa ikatlong palapag upang buksan ang air-conditioning unit ng isang opisina.

Ngunit hindi na siya nakabalik sa kaniyang puwesto, dahilan upang hanapin siya ng kapwa guwardiya. Sa pag-review ng CCTV footage, nakita umanong nahulog ang biktima sa elevator shaft mula sa unang palapag.

Napag-alaman ng mga imbestigador na may umiiral na memorandum ang ahensya na patayin ang mga elevator tuwing weekend at holidays bilang pagsunod sa energy conservation policy. Sa ganitong setup, naka-posisyon ang elevator sa itaas na palapag kapag hindi ginagamit upang maiwasan ang pinsala sakaling magkaroon ng pagbaha.

Dahil dito, pinaniniwalaang walang elevator cab sa unang palapag nang buksan ng nasabing security guard ang pinto, na naging sanhi ng kaniyang pagkahulog.

Nagtamo ang biktima ng matinding pinsala at multiple fractures sa ulo at katawan.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.