Pasko

Simula ng Kapaskuhan sinalubong sa Muntinlupa; higenteng Xmas tree pinailawan

Edd Reyes Nov 16, 2024
14 Views

MASAYANG sinalubong ng mga opisyal, kawani, at mga estudyante ang pagpapailaw ng higanteng Christmas Tree na tanda ng pagsisimula ng Kapaskuhan sa Pamahalaang Lungsod ng Muntinlupa Biyernes ng gabi sa harapan ng Muntinlupa City Hall.

Naging masigabo ang palakpakan ng mga sumaksi nang magliwanag ang 20-diyametro at 45-talampakang taas ng Christmas tree na kinabitan ng 3-talampakang bituin sa ituktok, pinalamutian ng mga garland, Christmas balls, resin decors, na may 80,000 bumbilya, at 10,000 pixel na uri ng bumbilya.

Umawit din ang pangkat ng mga mang-aawit na nagmula sa Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa, Colegio de Muntinlupa, Tunasan National High School, Muntinlupa National High School, at Muntinlupa Science High School.

Bukod kay Mayor Ruffy Biazon, dumalo rin sa seremonya si Congressman Jimmy Fresnedi, upang saksihan ang seremonya ng pailaw na tinapos sa magarbong fireworks display.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Mayor Ruffy Biazon, “Ang seremonyang ito ng pag-iilaw ng Christmas tree ay tanda ng pagsisimula ng ating mga kapaskuhang pagdiriwang. Ito ay sumisimbolo ng pag-asa, pagkakaisa, at kasiyahan ng panahon. Ibahagi natin ang liwanag at init ng Pasko sa buong Muntinlupa.”

Ganito naman ang naging pahayag ni Congressman Jimmy Fresnedi, “Ang pagdiriwang na ito ay isang paalala ng ating pagkakaisa bilang isang komunidad. Nawa’y magpatuloy ang diwa ng Pasko sa bawat tahanan at puso ng bawat Muntinlupeño.”