Ortega

SINO ang nagbabayad para sa depensa ni ex-Duterte sa ICC?

63 Views

DutertePAANO tinutustusan ang legal na depensa ng dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa harap ng International Criminal Court (ICC), kung isasaalang-alang ang matagal nang pahayag ng kanyang pamilya na sila ay may simpleng pamumuhay?

Ayon kay Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union noong Lunes, lalong umigting ang tanong matapos ipakita sa mga pagdinig ng impeachment sa Kamara na ang idineklarang net worth ni Vice President Sara Z. Duterte ay humigit-kumulang ₱88 milyon, kasabay ng mga naitalang transaksyon sa bangko na umaabot sa bilyong piso.

“Simple lang daw ang pamumuhay nila, pero ang tanong ng marami: paano natutustusan ang napakalaking gastos sa ICC case ng dating Pangulong Rodrigo Duterte?” ani Ortega, isa sa mga nag-endorso ng ika-4 na impeachment complaint.

“Kahit paano, may ideya na ang publiko batay sa mga datos na lumalabas sa impeachment hearing, gaya ng bilyon-bilyong transaksyon sa bangko,” dagdag pa niya.

Ayon sa mga numerong iniharap sa pagdinig—batay sa mga naunang ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC)—may hindi bababa sa 663 transaksyon na kaugnay kay Duterte at sa kanyang asawa: 630 ang tinukoy bilang “covered” at 33 bilang “suspicious,” na may kabuuang halagang umaabot sa humigit-kumulang ₱6.7 bilyon.

Kung ihahambing dito ang gastos sa pagkuha ng legal na depensa sa ICC, may mga hindi pa beripikadong ulat na nagsasabing umaabot sa ₱145 milyon hanggang ₱150 milyon kada buwan ang bayad sa abogado na si Nicholas Kaufman.

“Kung simple ang pinanggalingan at malinaw ang idineklarang yaman, natural lang na magtanong ang publiko kung paano natutustusan ang ganitong kalaking gastusin,” ani Ortega.

Dagdag pa niya, kung totoo ang ulat na umaabot sa ₱150 milyon ang buwanang bayad kay Kaufman, halos kalahati na ito ng ₱88 milyong net worth na idineklara ng Bise Presidente sa kanyang 2025 Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), ayon sa tala ng Office of the Ombudsman.

Binanggit din ni Ortega na hindi lang legal fees ang isyu, kundi pati na ang gastos sa biyahe, tirahan, at paulit-ulit na pagpunta sa Europa, partikular sa Netherlands, na may kalakihang halaga rin.

“May gastos din sa biyahe, tirahan at paulit-ulit na pagpunta sa The Netherlands. Hindi ito maliit na halaga,” ani Ortega.

Nilinaw ni Ortega na hindi siya nag-aakusa, kundi humihiling lamang ng malinaw na paliwanag.

“Nasa rekord na ang mga numerong ito. Kapag pinagsama-sama, nagdudulot ito ng lehitimong tanong,” aniya.

“Isang malinaw na paliwanag lang ang makakapagpatahimik dito. Saan nanggagaling ang pondo?” dagdag pa ni Ortega.