Lacson

Sistemang masasandalan ng mga ordinaryong manggagawa MSME bubuuin

243 Views

DAHIL hindi pa masabi kung magkakaroon ng batas laban sa endo o kontraktwalisasyon, binubuo na ng grupo ni independent presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson ang sistemang titiyak sa kasiguruhan ng trabaho para sa mga manggagawa.

Sa anim na pahinang dokumento na inilatag ng policy team ni Lacson, isang pangmatagalang employment deal ang naghihintay sa mga manggagawang edad 18 hanggang 55 taong-gulang na handang maglaan ng kanilang abilidad at nalalaman para paunlarin ang ekonomiya ng bansa.

“Ang Pilipinas ay may pinakamalaking working-age population sa mundo. May higit 40 million sa workforce, edad 18-55. Itinutulak ni Ping Lacson ang sustainable na Employment Deal Program kung saan may pagtugma ng skills at job opportunities,” saad ng bahagi na nilalaman ng dokumento.

Halos lahat ng sektor ay kabilang sa inilatag na programa ng grupo ni Lacson para sa ikauunlad ng ekonomiya ng bansa.

“Gagawin ito sa pamamagitan ng universal database para pakinabangan ang kakayahan ng mga Pilipino, lalo ang mga kabataan, mga tanod, healthcare workers sa barangay at iba pang skilled workers,” saad sa dokumento.

Sa mga naunang pahayag ni Lacson ay binanggit niyang napakahalagang magkaroon ng database ng mga manggagawa ang pamahalaan upang agad na mabatid ng mga naghahanap ng trabaho kung saan sila maaaring mamasukan na angkop sa kanilang mga kakayahan.

Samantala, sa kanyang pagdalaw sa Argao, Cebu, sinabi rin ni Lacson na makakatulong para sa mga nawalan ng trabaho noong kasagsagan ng pandemya, lalo na ang mga nasa sektor ng micro, small at medium-sized enterprises (MSME) ang mga fiscal stimulus package na nais din niyang ipatupad.

Ayon kay Lacson, ang paglikha ng isang komprehensibo at targeted na fiscal stimulus package ang solusyon upang iangat muli ang sektor ng MSME na pinaluhod ng COVID-19 dahil sa pagsasara ng ilang mga negosyo noong ipinatupad ang mahigpit na mga lockdown sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

“There are so many programs available, which we can enhance. For example, ‘yung mga financial packages, ‘yung comprehensive and targeted fiscal stimulus packages should be present to provide loans and even assistance. We have P2-billion under the national budget to attend to these needs,” ayon kay Lacson.

Pwede rin aniyang magkaloob ng pautang na may mababang interes lamang ang mga bangkong pag-aari ng pamahalaan gaya ng Development Bank of the Philippines (DBP) o Land Bank sa mga MSME at iba pang apektadong sektor bilang pandagdag kapital sa panahon ng pandemya.

“Ang problema, ‘yung accessibility because government has failed to inform our citizens that there is available funding from our financial institutions—DBP, Landbank and others. Meron pa ‘yung agri-MSMEs, ‘yung sa agriculture sector naman,” paliwanag ni Lacson.