Sisterhood ng 3 lugar magpapalakas sa ekonomiya, turismo

Christian Supnad Mar 15, 2025
12 Views

THE BUNKER, Bataan–Ipinalalagay ng magiging kapaki-pakinabang ang sisterhood agreement ng San Juan City at Balanga City at Limay, Bataan upang palakasin ang kooperasyon, turismo at komersyo.

Ang kasunduan pinangunahan nina Mayor Francis Zamora ng San Juan kasama sina Congresswoman Bel Zamora, Gov. Joet Garcia ng Bataan, Mayor Francis Garcia ng Balanga at Mayor Richie Jason David ng Limay sa The Bunker, ang punong tanggapan ng pamahalaang panlalawigan ng Bataan.

Sinabi ni Gov. Garcia na bagamat marami na silang best practices, marami pa rin silang gustong matutunan sa San Juan at sinabing malaking tulong sa Bataan ang pagnenegosyo sa San Juan bilang commercial center.

Sinabi ng gobernador na malaking bagay kung maiaalok sa San Juan ang mga produkto ng lalawigan na sinang ayunan naman ni Mayor Zamora.

Ipinahayag ni Mayor David ang kahalagahan ng kasunduan para sa mutual na pag-unlad ng kanilang bayan at ng mga lungsod at lalawigan ng San Juan at Bataan.

“Pinakamaunlad na bayan ang Limay, ngunit marami pa kaming gustong matutunan mula sa San Juan.

Bagama’t hindi kami isang lungsod, layunin naming maging isang highly-urbanized na bayan katulad ng San Juan.

Isa itong malaking oportunidad para sa amin na matutunan ang mga best practices ng isang progresibong lungsod tulad ng San Juan,” ayon kay David.

Binanggit din ni Mayor David na ang kasunduan magsisilbing tulay para mapabuti ang kanilang lokal na ekonomiya mula sa turismo hanggang sa mga produktong lokal.

Nagpasalamat si Mayor Garcia ng Balanga kay Mayor Zamora at ipinahayag ang kagustuhang matuto mula sa mga karanasan ng ibang lokal na pamahalaan upang mapabuti pa ang kanilang lungsod.

Hinimok ni Mayor Zamora ang mga lider ng Bataan na itampok ang kanilang mga lokal na produkto sa Pasalubong Center ng San Juan at i-promote ang turismo ng Bataan sa pamamagitan ng mga hotel at magagandang beach nito.