Ed Andaya

Slam dunk para sa PBA

Ed Andaya Jun 5, 2024
194 Views

ANG naiulat na plano ni PBA Commissioner Willie Marcial na gawing unlimited na ang height ng mga imports sa mga susunod na PBA conferences ay tunay na napapanahon, lalo na kung isasa-alang alang ang sinasabing gate receipts ngayon ng Asia’s first play-for-pay league.

Hindi maikakaila ang pagbaba ng popularidad ng PBA kumpara sa mga kasabay nito, gaya ng Premier Volleyball League, na siyang bagong kinahu-humalingan ngayon ng madaming Filipino sports fans.

Sinasabi ng mga long-time sports fans na ang PVL ay humahatak ngayon ng atensyon hindi dahil.lamang sa mga kapanapanabik na mga laro kundi pati na din sa mga dumadaming magagaling at magagandang female volleyball players sa bawat team.

Kung tutuusin, hindi na ito nakagugulat at madami pa ding mga loyal basketball fans ang naniniwala na mabilis na makababawi ang PBA, ang Asia’s first play-for-pay league, sa mga susunod na conferences bago ang ika 50th year nito sa 2025.

At isa na nga sa mga napapanahong hakbang na isinusulong ngayon ng PBA ay ang maaaring pag-alis ng height limit sa mga imports.

“Pinag-aaralan na namin na walang height limit. Baka this upcoming season, pwede na,” pahayag ni Marcial sa nakalipas na Let It Fly podcast.

Sa proposal ni Marcial sa PBA Board, isa sa dalawang import-flavored conferences sa susunod na season ay gawing unlimited ang height ng mga imports.

Kung matutuloy, kabilang sina dating NBA superstar Dwight Howard, na naglaro na para sa Strong Group Athletics team ng Pilipinas sa 33rd Dubai International Basketball Championship, at dating Gilas Pilipinas player Andray Blatche ay inaasahang makalalaro na sa PBA sa harap ng kanilang madaming mga taga-suporta.

Sa katunayan, nagpahayag na ng kanyang interes na makalaro si Howard sa PBA bagamat lagpas siya sa kasalukuyang height limit.

Madami pang magagaling na imports, kabilang ang mga ex-NBA players at mga European veterans, ang inaasahang dadayo para makapaglaro sa PBA kung papayagan.

Mas madaming magagaling at mas mataas na mg imports, mas madaming exciting na mga games sa PBA.

Ngayon pa lang, binabati na natin si Commissioner Marcial sa kanyang proposal, na maituturing na isang “Slam Dunk” hindi lamang para sa kanya kundi pati sa PBA.

NOTES — Happy birthday in heaven to my Dad, Albert Andaya na magdiriwang sa June 7. Sa mga hindi pa nakakalam, ang aking late father ang nagsilbing unang inspirasyon sa akin para maging manunulat. Bukod sa pagiging reporter sa dating pahayagang Taliba, naging matagal din siyang film assistant director, scriptwriter at movie checker.

For comments and suggestions, e-mail to [email protected]