Tambunting

SMNI anchor sa likod ng fake news na-contempt, ikinulong

Mar Rodriguez Dec 5, 2023
176 Views

DAHIL sa pagtanggi na ibunyag ang source ng kanyang fake news, ipinakulong nitong Martes ng House committee on legislative franchises sa Batasan Complex si Sonshine Media Network International (SMNI) anchor Jeffrey Celiz matapos ma-contempt.

Nagdesisyon si Parañaque Rep. Gus Tambunting na ibilanggo si Celiz hanggang hindi natatapos ng Plenaryo ang proseso sa committee report kaugnay sa isinasagawang imbestigasyon sa “kuryenteng” balita nito na gumastos si Speaker Martin G. Romualdez ng P1.8 bilyon sa biyahe.

“I move to detain Mr. Celiz for he was cited in contempt until the adoption of the committee report at the Plenary session, I so move,” Surigao del Sur Rep. Johnny ani Pimentel.

Matapos segundahan ang mosyon ni Pimentel, kinatigan naman ito ni Tambunting: “The chair hearing no objection, the chair adopts and approves the motion of honorable Johnny Pimentel.”

Binigyan ng komite si Celiz ng lahat ng pagkakataon na sagutin ang tanong ng mga kongresista kaugnay sa pagkakakilanlan ng fake news source sa likod ng P1.8 bilyong travel expenses.

Nanindigan si Celiz na may karapatan siya sa ilalim ng Sotto Law o Republic Act (RA) No. 11458 na nagbibigay ng proteksiyon sa publishers, editors, o reporters na hindi pangalanan ang news source o impormasyong nakuha in confidence.

Ngunit, sinabi ng mga kongresista na hindi maaarng gamitin o magtago si Celiz sa Sotto Law lalo’t inamin nitong mali ang kanyang nakuhang impormasyon o kuryente.

“Last hearing kasi, inamin na niya (Celiz) na mali ang source niya at humingi na siya ng paumanhin so para gamitin pa iyung Sotto Law is not anymore applicable to him because sinabi na niyang mali. Sabihin na lamang natin kung sino kasi, may kinalaman ito sa relasyon ng Mababang Kapulungan at ng Senado at pati po ang Senado I won’t be surprised kung kayo po ay magpupumilit na hindi magsasabi ng totoo, I won’t be surprised if the Senate might conduct its own inquiry into this matter as well. You already involved the Senate in this misinformation and fake news,” ani Quezon Rep. David Suarez.

Sinabi rin ni Tambunting na iginalang ng komite ang Karapatan ni Celiz na binigyan ng lahat ng pagkakataong magsalita at magkaroon ng abogado.

“He was allowed to speak four times you asked the question, the Honorable Suarez asked the question four times, he (Celiz) refused to reply, and the Honorable [Navotas Rep. Toby] Tiangco afforded him the executive session [to reveal the source of his information] and again he refused. He refused to answer the question that Honorable Suarez asked and always cited a law [Sotto] that did not apply to the committee because it was not the law’s intent. He cannot hide under that law, and lastly, he was given a counsel,” pahayag ni Tambunting sa komite.

Naunang sinabi ni Celiz noong nakaraang linggo na mali ang nakuha nitong impormasyon at humingi ng paumanhin kay Speaker Romualdez at Kamara de Representantes.

Sinabi rin nitong empleyado sa Senado umano ang kanyang source.

Sa pagdinig nitong Martes, sinabi ni Suarez, nagpatawag ng pagdinig, na dapat pangalanan ni Celiz ang kanyang impormante.

Sinabi ni Suarez na mismong si Senate President Juan Miguel Zubiri ang nagsabing wala siyang maisip na maaring pagmulan sa Senado ng maling impormasyong nakuha ni Celiz.

Inihayag ni Suarez ang sinabi ni Zubiri mananatiling intriga ang lahat kung hindi papangalanan ni Celiz ang kanyang source na layunin lamang sirain ang magandang relasyon ng Kamara de Representantes at Senado.

Ayon kay Suarez sinabi ni Zubiri na maaari niyang paimbestigahan ang isyu at magpatawa ng kaukulang parusa sa sinasabing impleyado ng Senado kung makikilala ito.

“So I am asking you, who is the source of your information, which you have admitted to be not true, and who you claimed is from the Senate?” Tanong ni Suarez kay Celiz.

Sinabi ni Suarez na lubhang mahalaga at krusyal na pangalanan ang source ng impormasyon lalo’t nakasalalay sa isyu ang tinatawag na “inter-parliamentary relationship” ng Senado at Kamara de Representantes.

Ngunit nanindigan si Celiz na hindi pangalanan ang source ng maling balita kasabay ng pagbibigay ng mahabang pahayag.