Rubio

Smuggling nagdudulot ng panganib sa kalusugan ng publiko—BOC

184 Views

BUKOD sa nakakaapekto sa kita ng mga lokal na magsasaka, inilalagay din umano ng mga smuggler sa panganib ang kalusugan ng publiko.

Kaya naman nangako si Customs Commissioner Bienvenido Rubio na lalo pang paigtingin ang kampanya laban sa smuggling.

“We strongly condemn those unethical acts of fraudulent importers as they endanger the health and safety of local consumers and negatively impact the livelihood of local farmers and businesses,” sabi ni Commissioner Rubio.

Hindi dumaraan sa pagsusuri ng mga ahensya ng gobyerno ang mga smuggled na produkto kaya posibleng hindi na ito ligtas kainin.

Mula ng umupo si Rubio ay sunod-sunod ang isinagawang operasyon ng BOC.

Noong Marso 15, nasabat ng BOC ang 15,648 sako ng refined sugar na nagkakahalaga ng P86 milyon.

Nagkakahalaga naman ng P120 milyong halaga ng poultry at seafood products ang kinumpiska sa isinagawang inspeksyon ng BOC sa pitong warehouse sa Navotas.

Nahuli ng BOC ang 18 container ng pula at dilaw na sibuyas noong Marso 10.

Nasa P1.4 bilyong smuggled na sigarilyo naman ang kinumpiska ng BOC sa Sulu noong Marso 2.

Bukod sa mga smuggled na produkto, todo-bantay din ang BOC sa nagtatangkang magpasok ng ipinagbabawal na gamot.

Naharang ng BOC-NAIA ang P400.7 milyong halaga ng shabu na galing sa Guinea, Africa noong Marso 20.