Calendar
SOGIESC Equality Act isinulong ng 3 pulitiko
ISINULONG nina Batangas Rep. Ryan S. Recto, FPJ Panday Bayanihan Party-list Rep. Brian Poe at Negros Occidental Rep. Javier Miguel “Javi” L. Benitez ang pagpasa ng House Bill No. 5266 (SOGIESC Equality Act) na naglalayong ipagbawal ang diskriminasyon batay sa sexual orientation, gender identity or expression, at sex characteristics (SOGIESC).
Tinalakay ang panukala sa paunang deliberasyon ng House Committee on Women and Gender Equality at iginiit ng mga mambabatas ang pangangailangang mabigyan ng pantay na karapatan at proteksyon ang lahat ng Pilipino, anuman ang kanilang pagkakakilanlan.
Nilinaw ni Recto na hindi layunin ng panukala na magbigay ng natatanging karapatan sa isang partikular na sektor, kundi kilalanin ang mga karapatan at karanasan ng LGBTQIA+ community.
Binigyang-diin din ng kongresista na naaayon ang pagbibigay ng legal na proteksyon laban sa diskriminasyon sa probisyon ng 1987 Constitution hinggil sa equal protection of the laws o pantay na proteksyon ng batas para sa lahat.
Binanggit din ni Recto ang Article II, Section 6 ng Konstitusyon na nagsasaad na hindi dapat labagin ang paghihiwalay ng Simbahan at Estado.
Iiginiit ni Rep. Poe na hindi lamang pisikal na pananakit ang maituturing na diskriminasyon.
Maaari rin aniyang makita ito sa pagkakait ng trabaho, pagtanggi sa pagpasok sa paaralan, hindi pagbibigay ng mahahalagang serbisyong pampubliko at hindi pantay na pagtrato sa isang tao dahil lamang sa kanyang pagkakakilanlan.
Sa sponsorship statement ni Rep. Benitez na binasa ni Recto sa pagdinig, sinabi niyang bagama’t mayroon nang ilang lokal na pamahalaan na nagpasa ng mga ordinansang kontra-diskriminasyon, marami pa ring miyembro ng LGBTQIA+ community ang walang sapat na proteksyon dahil wala pang umiiral na pambansang batas.
Ayon kay Benitez, hindi dapat nakadepende sa lugar na tinitirhan ng isang tao ang kanyang karapatan sa proteksyon laban sa diskriminasyon.
Walang Pilipino ang dapat mawalan ng trabaho, pagkakataong makapag-aral o dignidad dahil lamang sa kung sino siya, ayon sa pulitiko.
Binanggit din ni Benitez na nakapasa na sa Kamara noong 2017 ang isang katulad na panukala at walang mambabatas na bumoto laban dito.
Nilinaw rin niya na hindi pinakikialaman ng panukalang SOGIESC Equality Act ang institusyon ng kasal.
Sinabi ni Benitez na naniniwala siyang maaari ring suportahan ng mga taong may pananampalataya ang panukalang batas, habang bukas siya sa pagtalakay at paglilinaw sa mga bagay na kanilang ikinababahala.
Samantala, noong Nobyembre 11, 2026, inaprubahan ng House Committee on Women and Gender Equality sa prinsipyo ang mga panukalang batas laban sa diskriminasyong batay sa SOGIESC, kabilang ang House Bill No. 5266.
Pagsasamahin at pagsasama-samahin pa ang mga naturang panukala para sa karagdagang pagsusuri at deliberasyon ng komite.

