Calendar
Solo parents binigyan ng pagkakataon kumita sa TUPAD
MAAARING magkaroon ng trabaho ang mga kwalipikadong solo parent sa pamamagitan ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Kaugnay nito, nagsagawa ng orientation noong Nob. 10 para sa mga benepisyaryo ng TUPAD na mga solo parent mula sa Iba, Botolan, Cabangan, San Narciso at San Antonio sa Zambales.
Bahagi ang aktibidad ng programa ng DOLE na naglalayong magbigay ng pansamantalang oportunidad sa trabaho at agarang tulong-pinansyal sa mga manggagawang nangangailangan ng suporta.
Ipinaliwanag sa mga benepisyaryo ang mga alituntunin at kondisyon ng programa, mga responsibilidad habang nagtatrabaho at ang iba pang mahahalagang impormasyong dapat nilang malaman upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng TUPAD.
Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ni Zambales Rep. Doris “Nanay Bing” Maniquiz sa DOLE, nabibigyan ng pagkakataon ang mga kwalipikadong solo parent na magkaroon ng pagkakakitaan na makatutulong sa pagtugon sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya.
Inaasahang makapagbibigay ng malaking ginhawa ang programa sa mga solo parent na patuloy na nagsisikap na maitaguyod ang kanilang mga anak sa kabila ng mga hamon sa buhay.
Isinusulong ni Maniquiz ang pakikipagtulungan sa mga ahensya ng pamahalaan upang mailapit sa mga mamamayan ng 2nd district ng Zambales ang mga programang pangkabuhayan at serbisyong panlipunan.

