Magsino

Solon nabahala sa kalagayan ng mga stranded OFWs

Mar Rodriguez Feb 2, 2023
184 Views

NANANAWAGAN ngayon ang Overseas Filipino Workers Party List Group kay President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. para aksiyunan nito ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga OFWs na kasalukuyang stranded at nagsisiksikan sa mga temporary shelters sa ibayong dagat.

Sa kaniyang privilege speech sa Plenaryo ng Kongreso, inihayag ni OFW Party List congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino ang kalagayan ng mga Pilipinong manggagawa sa abroad. Kung saan, ilan sa mga OFWs ang nagkakasakit na habang nag-aantay ng kanilang repatriation.

Sinabi ni Magsino na ang mga temporary shelters para sa mga stranded na OFWs ay pinangangasiwaan ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) na kilala ngayon bilang Migrant Workers Office (MWO).

Binigyang diin ni Magsino na noong nakaraang January 20, 2023, iniulat ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na mayroong 421 OFWs, documented at undocumented, ang nagpa-kanlong sa Bahay Kalinga sa Kuwait.

Ayon sa kongresista, mula noon ay nagsimula na rin magsiksikan ang maraming OFWs sa Bahay Kalinga. Sapagkat ang kaya lamang aniyang kupkupin nito o i-accommodate ay 200 katao. Kung saan, ang ilan sa mga OFWs na naroroon ay biktima ng iba’t-ibang pang-aabuso.

Nababahala si Magsino sapagkat ang ilan sa mga stranded at congested OFW sa Kuwait ay nagsisimula na aniyang magkaroon ng depression at ang iba naman ay nagkakasakit na rin. Kung kaya’t nananawagan siya ng pamahalaan kaugnay sa kalagayan ng mga OFWs.

Gayunman, nabatid pa kay Magsino na nagpadala na ang DMW ng isang team sa Kuwait para tignan ang kasalukuyang kalagayan ng mga OFWs sa Bahay Kalinga na ang ilan sa mga ito ay natuklasang unhealthy at uncomfortable at kinakailangan ng maiuwi sa Pilipinas.