Calendar

Solusyong nakabatay sa komunidad upang suplay ng pagkain sigurado isinusulong
NANAWAGAN si Senadora Loren Legarda ng mga solusyong nakabatay sa komunidad at buong pagpapatupad ng mga umiiral na batas ukol sa pagkain at agrikultura.
Ayon sa ulat ng Social Weather Stations (SWS) noong Marso 2025, 27.2% ng mga pamilyang Pilipino—katumbas ng humigit-kumulang 7.5 milyong kabahayan—ang nakaranas ng involuntary hunger sa huling tatlong buwan.
Binanggit ni Legarda ang Gulayan sa Barangay sa Barangay Holy Spirit, Quezon City bilang halimbawa ng matagumpay na inisyatibang tumutugon sa kakulangan sa pagkain habang nagbibigay din ng kabuhayan at mga produktong gawa sa recycled materials. “These are small but powerful wins, grounded in care and local resilience,” aniya.
Dagdag pa niya, “Maliliit man ang mga proyektong ito, malaki ang epekto. Patunay na kapag sama-sama at may malasakit ang bawat isa, kayang solusyunan ang kagutuman.”
Hinimok din ng senadora ang mahigpit na implementasyon ng mga batas gaya ng: Agri-Agra Reform Credit Act (RA 10000) na nag-uutos sa mga bangko na maglaan ng pondo sa mga magsasaka at benepisyaryo ng repormang agraryo; Organic Agriculture Act (RA 10068) na nagtutulak ng sustainable at organikong pagsasaka; at Food and Drug Administration Act (RA 9711) na nagtitiyak sa kaligtasan ng pagkain at proteksyon ng mga mamimili.
Ngunit ayon kay Legarda, kailangang sabayan ng mga batas na ito ang mga programang makakamit at magagamit ng mga mamamayan. Tinukoy niya ang mga inisyatibang tulad ng Gulayan sa Paaralan, edible landscaping, at community composting bilang mga konkretong solusyon upang matulungan ang mga pamilyang maging mas malaya sa pagkain.
Kabilang din sa kanyang adbokasiya ang Zero Food Waste Bill na kanyang co-authored. Layunin nito ang sistematikong paglikom at pamamahagi ng sobrang pagkain mula sa mga establisimyento patungo sa mga komunidad na nangangailangan. Nakaugat ito sa panawagan niyang bawasan ang nasasayang na pagkain at itugma ito sa pangangailangan ng gutom na sektor.
“We don’t need grand solutions. We need committed ones,” giit ni Legarda. “I’ve seen how a single garden can change a household. Now imagine what we can achieve as a nation when we till, grow, and rise together.”