Sotto

Sotto: Kailangan protektahan ang publiko sa fake news, panlilinlang

243 Views

HINIMOK ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang kanyang mga kasamahan sa Senado na ipasa ang panukalang Anti-False Content and Anti-Fake News Act, na layuning labanan ang paglaganap ng disinformation at operasyon ng mga troll farm na nagpapalaganap ng maling impormasyon sa publiko.

Sa pagdinig ng Senado hinggil sa panukalang ₱2.714-bilyong budget ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Lunes, sinabi ni Sotto na inihain niya ang Senate Bill No. 191 noong Hulyo 7, 2025 upang magkaroon ng batas na magpaparusa sa sinumang sadyang gumagawa o nagpapakalat ng pekeng impormasyon sa internet.

“I have been a victim of fake news from then until now,” pahayag ni Sotto, sabay diin na kailangang protektahan ang publiko laban sa panlilinlang. “The bill will be all-encompassing. We should focus on addressing fake news or fake content because troll farms can spread anything—including good stories about you. It depends on how it will be used.”

Suportado ni Sen. Loren Legarda, sponsor ng PCO budget, ang panukala at sinabi niyang magiging “masaya” siya kung maipapasa ito bilang batas. Dagdag pa niya, handang tumulong ang PCO sa mga hakbangin na nagtataguyod ng katapatan at pananagutan sa pagbabahagi ng impormasyon.

Layon ng panukalang batas na parusahan ang mga indibidwal o grupo na sadyang gumagawa o nagpapakalat ng maling impormasyon sa online platforms habang pinangangalagaan ang kalayaan sa pamamahayag. Isasangguni ito sa Senate Committee on Public Information and Mass Media na pinamumunuan ni Sen. Robin Padilla para sa karagdagang pag-aaral at pagdinig.