ai

Paghigpit sa paggamit ng AI vs masamang layunin pinag-aaralan

283 Views

PINAG-AARALAN ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian ang paghahain ng panukalang batas na magreregulate sa paggamit ng artificial intelligence (AI) sa bansa, dahil sa posibleng pinsalang maidudulot nito kapag ginamit sa masamang layunin.

Si Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Finance, ay nagbigay ng babala sa budget deliberations para sa pondo ng Department of Information and Communications Technology. Aniya, ang mga gumagawa ng AI-generated na larawan at video ay dapat may pananagutan at obligadong magpahayag ng paggamit ng AI.

“Kailangang magkaroon ng regulasyon sa paggamit ng AI. Kung gagawa ka ng videos at mga larawan gamit ang AI, dapat may accountability at kailangang i-disclose na gumamit ng AI dahil sa panahon ngayon na patuloy na umuunlad ang teknolohiya, napakahirap nang ma-detect kung AI o hindi,” sabi niya.

Ayon sa senador, ang lumalawak na paggamit ng AI ay maaaring magpalala ng disinformation, lalong magdulot ng hidwaan sa lipunan, at magpahina ng tiwala ng publiko. “Napakadelikado nito lalo na’t ngayon na kahit na sino ay pwede nang maging AI artist. Kailangan nating pag-aralang mabuti at seryosohin ang teknolohiyang ito,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Gatchalian na aktibong tinatanggal ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang mga deepfake AI clips online ngunit kailangan pa rin ang matibay at angkop na batas para ma-regulate ang paggamit ng AI sa bansa.