PCO

Panukalang P2.714B badyet ng PCO inaprubahan sa Senado

189 Views

INAPRUBAHAN na sa Senado ang panukalang ₱2.714-bilyong badyet ng Presidential Communications Office (PCO) para sa 2026, isang hakbang na itinuturing na mahalaga sa pagpapatatag ng maayos, malinaw at napapanahong komunikasyon sa buong bansa—lalo na’t tungkulin ng PCO na magbigay ng tumpak na impormasyon sa publiko at tulungan ang mamamayan na maunawaan ang mga programa at polisiya ng pamahalaan.

Sa pangunguna ni Sen. Loren Legarda, ipinaliwanag nito ang kahalagahan na mabigyan ng tamang impormasyon ang mga mamamayan sa pamamagitan ng mga iba’t ibang pamamaraan na ginagawang boses ng gobyerno upang maiparating ang mga detalye at impormasyon na dapat malaman ng taumbayan lalot sa gitna ng maraming sakuna, pangyayari gayundin ang disimpormasyon na kumakalat sa social media.

Samantala, nananatiling usapin sa kapulungan ang isang audio recording na iniharap ni Senator Robinhood Padilla sa deliberasyon noong Martes. Pinatugtog niya ang clip na aniya’y naglalaman ng boses ni PCO Undersecretary Claire Castro na nakikipag-usap sa mga vlogger tungkol sa umano’y koordinadong online activities. Sa naturang recording, maririnig ang isang babaeng nagsasabing “You’re asking for additional funds again, but your bloggers always mess up,” at sinagot na naman ng isang lalaking boses ng “Sorry, ma’am. We’re doing all the scripts that are being forwarded to us.”

Ipinunto ni Senate President Vicente Sotto III na hindi dapat pangunahan ng paratang si Padilla nang walang beripikasyon. Iginiit niyang kinakailangang isumite muna ang audio clip sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa forensic validation bago muling talakayin sa plenaryo, sapagkat ang paglalatag ng alegasyon nang walang kumpirmasyon ay maaaring makapinsala sa mga taong nasasangkot.

Sinang-ayunan ni Senator Loren Legarda—na nagtanggol sa panukalang badyet ng PCO—ang posisyon ni Sotto. Binigyang-diin niyang dapat munang dumaan sa NBI examination ang audio clip bago maituring na mapagkakatiwalaang ebidensiya. Ipinaliwanag pa niya na wala pang nailalatag na verified documents o testimonya para patunayan ang umano’y state-backed troll operations at inulit niyang hindi gumagamit ng online trolls ang PCO.

Bilang dating mamamahayag, binigyang-linaw pa ni Legarda na napakahalaga ng wastong beripikasyon bago magbato ng paratang kaninuman.

Aniya kay Padilla: “I worked really very hard to validate first. Please give that tape recording to the NBI.”

Bilang budget sponsor, idinetalye ni Legarda ang mga suliraning matagal nang nagpapabagal sa operasyon ng PTV-4 at iba pang attached agencies ng PCO—kabilang ang contractualization, lumang kagamitan, at pagdepende sa non-plantilla “talents.” Ipinabatid niyang bunga ito ng kakapusan sa pondo. Higit pa rito, sinabi niyang nakapaloob sa 2026 budget ang alokasyon para sa retirement needs ng mga empleyado, rehabilitasyon ng mga gusali, modernisasyon, digital upgrades, at iba pang programang inaasahang magpapahusay sa serbisyo ng PCO sa publiko.

Ipinahayag naman ni Padilla na suportado rin niya ang panukalang ₱2.714-bilyong badyet para sa PCO at mga attached agencies nito. Kasabay nito, tinanong niya ang mga opisyal kung susuportahan nila ang panukalang batas na gawin krimen ang troll farms at pagpapakalat ng disinformation.

Sa panig ni Senator Erwin Tulfo, kinatigan niya ang badyet ng PCO at ipinaliwanag ang kahalagahan ng ahensya sa pagbibigay ng malinaw na impormasyon sa publiko, lalo na sa gitna ng paglaganap ng fake news. Nagpahayag din siya ng tiwala sa pamumuno ni PCO Secretary Dave Gomez.

Ayon sa kanya, “The PCO serves as the government lead communication arm and stands at the frontline of ensuring that the administration’s policies, programs, and priorities are communicated clearly, accurately, and consistently.”

Dagdag pa niya: “At the time when misinformation spreads quickly and public trust defends timely and reliable information, the role of PCO becomes even more crucial.”

Saklaw ng panukalang badyet ang PCO Proper, Bureau of Communication Services, National Printing Office, News and Information Bureau, Philippine Information Agency, Bureau of Broadcast Service, Presidential Staff (RTVM), PTV-4 at IBC-13.

Sa kabuuan, inaasahang hihintayin ng Senado ang magiging forensic findings ng NBI bago magtakda ng susunod na hakbang hinggil sa nasabing audio clip.