Calendar
Kahalagan ng transparency, pagsunod sa patakaran pinagtibay ng desisyon ng Comelec sa kaso ni Chiz
MALUGOD na tinanggap ni Senador Francis “Chiz” Escudero ang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na naglilinis sa kanya mula sa anumang paglabag kaugnay ng ₱30-milyong donasyong pangkampanya na ibinigay sa kanya noong halalan 2022.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Escudero na matagal na niyang sinusunod ang mga regulasyong panghalalan mula nang una siyang tumakbo noong 1998. “Ang desisyong ito ng Comelec ay nagpapatibay sa aming matagal nang paniniwala at kaugalian — na mahalaga ang transparency, honesty, at pagsunod sa mga patakaran,” aniya.
Dagdag pa niya, ang clearance na ito ay “lalo pang nagpapatatag sa tiwala ko sa ating mga institusyon at sa aking pangakong patuloy na maglingkod nang may integridad at pananagutan.”
Inilabas ng Political Finance and Affairs Department (PFAD) ng Comelec ang resolusyon nitong Martes na nagtatapos sa imbestigasyon sa donasyong ibinigay ni Lawrence Lubiano.
Ayon sa Comelec, walang nakitang ebidensiyang nagmula ang kontribusyon sa ipinagbabawal na pinagmumulan at nakasaad sa rekord na ibinigay ito ni Lubiano sa kanyang personal na kapasidad.
Nakatuon ang pagsusuri sa posibleng paglabag sa Section 95(c) ng Omnibus Election Code, na nagbabawal sa mga kandidato na tumanggap ng kontribusyon mula sa mga government contractor.
Sinabi ng Comelec na walang indikasyong ang ₱30-milyong donasyon ay nagmula sa pondo ng anumang construction firm o kontratista.
Sinuri ng Comelec ang bank records, Statement of Contributions and Expenditures (SOCE), at mga sinumpaang salaysay nina Escudero at Lubiano. Kinumpleto rin ng magkabilang panig ang lahat ng kinakailangang dokumento sa tamang oras.
Sa inilabas na resolusyon ng PFAD, pormal nang itinuturing na sarado ang imbestigasyon sa nasabing donasyon.

