Calendar
SP Chiz kinumpirma pagdalo ni Quiboloy sa pagdinig ng Senado
DADALO si Kingdom of Jesus Christ na si Pastor Apollo C. Quiboloy sa pagdinig ng Senado ukol sa mga kinakaharap nitong kaso ng human trafficking at pang-aabuso sa mga bata at sekswal, Oktubre 23, 2024.
Ito ang kinumpirma ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na nagsabing ganap na handa ang Senado sa pagdalo ni Quiboloy, na gaganapin Oct 23, 2024, sa pagdinig ng Senado ukol sa mga kaso ng human trafficking at pang-aabuso sa mga bata at sekswal na pang aabuso na ipinaparatang sa nasabing spiritual leader.
Sa isang press conference, binigyang-diin ni Escudero na nakahanda na ang mga kinakailangang seguridad at lohistika upang masiguradong magiging maayos ang proseso ng pagharap ni Quiboloy sa nasabing pagdinig, na pangungunahan ni Senador Risa Hontiveros sa ilalim ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality.
Ayon kay Hontiveros, kailangang harapin ni Quiboloy ang mga nag aakusa sa kanya at ang mga diumano’y biktima na umaapela ng hustisya.
Nilinaw ni Escudero na ang desisyon ng korte kamakailan na payagan si Quiboloy na dumalo sa pagdinig ay isang mahalagang hakbangin upang malaman ang katotohanan ukol sa mga paratang na iniuugnay sa kanya ng mga diumano’y biktima ni Quiboloy at ng kanyang KOJC.
“Kinausap ko na ang Senate Sgt.-at-Arms upang masiguradong magiging maayos ang seguridad at proseso ng pagdalo ni Pastor Quiboloy sa pagdinig,” ayon kay Escudero, na binigyang-diin na ang Senado ay nananatiling tapat sa paggalang sa due process at titiyakin na patas ang pagtrato sa lahat ng partido sa imbestigasyon.
Ang pagdinig ay magpapatuloy matapos ang ilang buwan ng suspensyon at tututok sa mga seryosong alegasyon ng human trafficking at pang-aabuso sa mga bata na may kaugnayan sa relihiyosong organisasyon ni Quiboloy, ang KOJC. Ilang biktima na ang nagpahayag, at inaasahang may mga bagong testigo ang maglalakas-loob na maghanap ng hustisya, ayon kay Sen. Hontiveros.
Binigyang-diin din ni Escudero na habang dati nang tumangging humarap si Quiboloy sa mga imbestigasyon ng Senado, ang kanyang pagdalo ay magbibigay-daan sa mas malalim na pagsusuri sa mga paratang laban sa kanya. Tiniyak din niya na magiging propesyonal ang pamamahala ng Senado sa pagdinig at susunod ito sa lahat ng legal na pamantayan.
Binigyang-diin ng senadora ang kahalagahan ng pagdalo ni Quiboloy upang sagutin ang bawat alegasyon ng human trafficking at sexual abuse, at sinabi niyang may obligasyon ang lider ng KOJC na harapin ang mga biktima na ilang taon nang naghihintay ng hustisya na nararapat para sa kanila.