Servo

SP ng Maynila nagpasa ng reso na kumikilala sa World Hemophilia Day

Edd Reyes Apr 16, 2024
134 Views

PINANGUNAHAN ni Vice Mayor Yul Servo Nieto, presiding officer ng Sangguniang Panlungsod ang pagpapasa ng resolusyon na kumikilala sa World Hemophilia Day ngayong Miyerkules, Abril 17, na sinusunod sa buong mundo mula pa noong 1989.

Layunin ng resolusyon na inakda ni Konsehal Doc Louie Chua na maitaas ang kamalayan ng bawa’t isa sa hemophilia at iba pang uri ng hindi maampat na pagdurugo na sakto sa National Hemophilia Awareness Month ngayon Abril bukod pa sa adhikaing mapagkalooban ng tulong ang mga Manilenyo na may ganitong uri ng karamdaman.

Ang hemophilia ay sakit na hindi maampat ang pagdurugo dahil hindi ito namumuo ng maayos. Puwede itong mamana lalu na ng kalalakihan na maggigind daan ng labi na pagdurugo kapag nasugatan ao inoperahan.

Ang mga taong may hemophilia ay may mababang antas ng alinman sa factor na VIII (8) o factor IX (9), na mahalaga upang mapahinto ang pagdurugo.

Ang tindi ng naturang sakit ay depende sa bilang ng mga factors sa dugo ng isang tao na nangangahulugan na kung mababa ang antas ng factors sa dugo, mas mataas ang panganib sa sakit at ang hindi maampat na pagdurugo ay magbubunga ng higit pang malaking problema sa kalusugan.

Batay sa pagaaral na ginawa ng Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD) na may titulong Hemorrhagic diseases in Filipino Children, may dalawang karaniwang tipo ng karamdapan na lumilikha ng hindi maampat na pagdurugo.

Nakaka-apekto rin ito sa mga bata at kababaihan kahit pa nga karaniwan ng tinatamaan ang mga kalalakihan.

Sa pagtaya ng World Federation of Hemophilia (WFH), may 10,000 Filipino ang may ganitong uri ng karamdaman habang aabot ng isang milyon ang dumaranas rin ng tinatawag na Von Willebrand diseases at iba pang hindi normal na pagdurugo. Nilimbag ito at naisapubliko ng Philippine Journal of Pediatrics.

Ang Abril 17 ang itinuturing na anibersaryo ng pagsilang ni Frank Schnabel, ang nagtatag ng World Federation of Hemophilia (WFH).