Sotto

SP Sotto hindi mapapatalsik — Lacson

34 Views

WALANG inaasahang hakbang o aksyon upang mapatalsik si Senate President Vicente Sotto III kahit naghahanda ang Senado para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson.

Sinabi ni Lacson na hindi na bago sa Senado ang usapin ng leadership change, lalo na kapag may session break ngunit buo ang majority bloc at nananatili ang suportang kailangan ni Sotto upang pamunuan ang kapulungan.

Nagsimula na si Sotto at Lacson na repasuhin ang mga legal na proseso, kabilang ang Rules of Court at ang Revised Rules on Criminal Procedure, bilang paghahanda sa mga posibleng tanong na maaaring lumitaw kung maipadala sa Senado ang impeachment complaint.

Idinagdag niya na kumukunsulta rin siya sa mga retiradong mahistrado at legal experts hinggil sa mga usaping maaaring sumulpot sa posibleng impeachment trial.

Ayon kay Lacson, pinayuhan niya si Sotto na maging handa sa mga pagtatangkang kuwestiyunin ang trial sa pamamagitan ng pag-atake sa batayan nito.