Rep. Zia

Tinitingnang tapusin ng House panel sa Abril 29 pagdinig sa impeachment vs VP Sara

54 Views

Maaaring umabot sa plenaryo ang ulat pagsapit ng Mayo 

TARGET ng House Committee on Justice na tapusin sa Abril 29 ang mga pagdinig nito ukol sa impeachment laban kay Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte.

Ito ay habang tinutukoy ng komite kung may sapat na batayan (probable cause) sa mga reklamong nagsasaad ng umano’y pagbabanta sa matataas na opisyal ng gobyerno, maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, at mga pagkakaiba sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Maaaring maipasa ang ulat ng komite sa plenaryo kapag nagbalik-sesyon ang Kongreso sa Mayo 4, na magmamarka sa susunod na yugto ng prosesong konstitusyonal na maaaring humantong sa paglilitis sa Senado.

Ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, miyembro ng justice panel, papalapit na ang komite sa pagtatapos ng yugto ng pangangalap ng ebidensiya, kung saan nakatakda ang mahahalagang ahensya at resource persons sa mga nalalabing pagdinig sa Abril 22 at 29.

“Ang alam ko on the 29th, hopefully we will wrap up,” ani Adiong sa panayam ng dzBB’s Bantay Balita sa Kongreso kasama sina Isa Avendaño-Umali at Nimfa Ravelo.

Sinabi ni Adiong na kapag naaprubahan na sa antas ng komite, ang ulat—kasama ang ikatlo at ikaapat na impeachment complaints—ay iaakyat sa plenaryo, kung saan bibigyan ng panahon ang mga mambabatas na suriin ang mga natuklasan bago ang anumang botohan.

Dagdag pa niya, ang mga debate sa plenaryo ay magbibigay-daan sa mga miyembro na magtanong sa sponsor na si Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, na siyang chair ng Justice committee, bilang bahagi ng deliberasyon.

“So hindi siya agad-agad ma-aprubahan kasi magkakaroon pa ‘yan ng, of course magkakaroon pa talaga ng debate ‘yan and there will be also time for other members to elicit answers from the chairperson which would be the sponsor of this committee report,” aniya.

Binigyang-diin ni Adiong na nananatili sa loob ng balangkas ng Konstitusyon ang mga proseso, kung saan tinutukoy lamang ng Kamara ang probable cause—hindi ang pagkakasala.

Aniya, nakatuon ang panel sa pagtukoy kung sapat ang ebidensiya, kabilang ang mga dokumentong nagpapatunay, upang maiakyat ang kaso sa Senado para sa paglilitis.

Inaakusahan sa mga reklamong impeachment si Duterte ng pagtataksil sa tiwala ng publiko at posibleng paglabag sa Konstitusyon, kabilang ang umano’y mga iregularidad sa paggamit ng confidential at intelligence funds sa ilalim ng Office of the Vice President at Department of Education noong siya pa ang kalihim nito.

Binanggit din ang umano’y hindi pagkakatugma sa kanyang deklarasyon ng mga ari-arian at ang mga alegasyong nagbanta siya kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at noo’y Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.