Makati

SPD: Chino Roces video banggaan, hindi holdup o road rage

Edd Reyes Apr 26, 2026
252 Views

HINDI robbery-hold up o road rage ang nangyari sa Chino Roces Avenue, Taguig City noong Abril 24 kundi simpleng banggaan at tumakas ang nakabangga pero nahuli rin.

Ito ang nilinaw ng Southern Police District (SPD) sa kabila ng mga kumakalat na ispekulasyon tungkol sa viral video online.

Sa paglilinaw ni SPD director P/Col. Glenn Oliver Cinco, alas-7:00 ng gabi nang mag-menor ang driver ng Toyota Corona malapit sa gasoline station sa Chino Roces Avenue, Brgy. Fort Bonifacio upang kumaliwa ng salpukin ng paparating na gray na Nissan Navara.

Umabante ang kotseng binangga at matumbok ang isang motorsiklo.

Nalapatan ng lunas ang rider na pinayagan na ring makauwi habang tumakas naman ang driver ng Nissan Navara patungong Makati City pero nasakote sa Chino Roces Ext. malapit sa Brgy. Magallanes matapos masangkot muli sa isa pang aksidente.

Nagresponde kaagad sa lugar ang mga tauhan ng Makati police upang mapigilan ang posibleng karahasan ng mga galit na taumbayan na nakasaksi sa insidente.

Kalaunan, nagka-aregluhan din umano ang magkabilang panig.

Lumakas ang haka-haka na robbery hold up o road rage ang insidente dahil nahagip din sa kaparehong video ang pagwawasiwas ng baril ng hindi pa kilalang indibiduwal habang ang isa pa ay nakitang hinihiwa ang gulong ng isang behikulo.

Nagsasagawa na ng backtracking sa kuha ng CCTV ang pinagsanib na puwersa ng Makati at Taguig police upang matukoy ang pagkakakilanlan at maaresto ang dalawang indibidwal.