Calendar
Source: FB
Speaker Dy: Alex Eala patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa kabataang Pinoy
BINATI ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III nitong Linggo ang Filipina tennis star na si Alex Eala matapos ang panibagong tagumpay nito sa Wimbledon at sinabing ang kanyang makasaysayang kampanya ay naging dahilan ng pagmamalaki ng bansa at inspirasyon sa mga kabataang Pilipino na mangarap nang malaki.
“Congratulations, Alex! Muli mo na namang ipinagmalaki ang ating mga kababayan. Sa bawat panalo mo, ipinapakita mo sa buong mundo ang husay, tapang, at determinasyon ng Pilipino,” ani Dy.
Sinabi ng Speaker mula sa Isabela na ang kahanga-hangang kampanya ni Eala ay higit pa sa simpleng panalo sa mga laban, dahil siya ay naging simbolo ng tiyaga at kahusayan para sa susunod na henerasyon ng mga Pilipino.
“Hindi ka lamang nananalo sa mga laban—pinapanalo mo rin ang puso ng mga tao sa buong mundo at nagbibigay-inspirasyon sa napakaraming kabataang Pilipino na mangarap nang malaki at maniwala sa kanilang kakayahang makamit ang kanilang mga pangarap,” ani ng lider ng Kamara.
Tiniyak din ni Dy kay Eala ang walang sawang suporta ng sambayanang Pilipino habang ipinagpapatuloy nito ang kanyang makasaysayang kampanya sa Wimbledon.
“Laban lang, Alex! Kasama mo ang sambayanang Pilipino sa bawat hakbang ng makasaysayang kampanyang ito. Nandito kaming lahat, buong pusong sumusuporta sa’yo.”

