Dy1

Speaker Dy sa mga kapwa kongresista: Focus, disiplina panatilihin natin

Mar Rodriguez May 4, 2026
23 Views

NANAWAGAN si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III sa mga miyembro ng Kamara de Representantes na panatilihin ang focus, disiplina at urgency sa muling pagbubukas ng session ng Kongreso ngayong linggo.

Sinabi ng House Speaker na dapat pagtibayin ng Mababang Kapulungan ang mga nakamit nito matapos maipasa ang 18 sa 52 priority measures ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Ayon kay Speaker Dy, ang huling yugto ng first regular session ng Kamara bago ang adjournment ang magsisilbing pagsubok sa kakayahan ng mga kongresista na manatiling nagkakaisa sa likod ng priority agenda ng administrasyon.

“Nagbabalik tayo sa session na may malinaw na tungkulin. Gawing mga batas ang inaasahan ng mamamayan na manatiling matatag sa kabila ng mga krisis. Ngunit ang ating trabaho ay nangangailangan pa ng ating buong atensyon,” sabi ni Speaker Dy.

Ang pagsusulong at pagpasa ng 18 mula sa 52 priority measures ng LEDAC ay tunay na tanda ng pag-unlad ngunit ang pag-unlad na ito ay hindi dapat maging dahilan upang maging kampante sa kanilang trabaho ang mga kongresista.

Binigyang diin pa ng House Speaker na ang naging performance ng Kamara de Representantes bago ang break ay nagpapakita na kayang isulong ng mga mambabatas ang mga pangunahing prioridad sa kabila ng siksik na skedyul ng Kongreso.