Martin1 KINABUKASAN NG AGRIKULTURA – Inihayag ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez umaga ng Linggo sa inagurasyon ng Bio N fertilizer plant ng Agri Specialist Inc. sa Sta. Rosa, Laguna, na ang bagong planta ay isang mahalagang hakbang para sa mga lokal na magsasaka, suplay ng pagkain at kinabukasan ng bansa. Kuha ni VER NOVENO

Speaker Romualdez: Bagong bukas na fertilizer plant sa Laguna, mas malaking kita sa magsasaka, mas murang pagkain

Mar Rodriguez Mar 16, 2025
20 Views

Martin2KUMPIYANSA si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na mas lalaki ang kita ng mga magsasaka at bababa ang presyo ng pagkain para sa mga Pilipino sa pagbubukas ng planta ng biological fertilizer sa Laguna.

Sa kanyang mensahe umaga ng Linggo sa inagurasyon ng Bio N fertilizer plant ng Agri Specialist Inc. sa Sta. Rosa, Laguna, sinabi ni Speaker Romualdez na ang bagong planta ay magdadala ng bagong yugto sa sektor ng agrikultura sa bansa at isang mahalagang hakbang para sa mga lokal na magsasaka, suplay ng pagkain at kinabukasan ng bansa.

Ang Bio N, na binuo ng mga Pilipinong siyentipiko mula sa University of the Philippines Los Baños (UPLB), ay isang biofertilizer na makakapagpababa sa pangangailangan na gumamit ng mga kemikal na pataba, magpapaganda ng kalusugan ng lupa at magpapababa ng gastusin sa pagsasaka.

“This means: mas murang abono para sa ating mga magsasaka. Mas maraming ani, mas mataas ang kita. Mas masustansya at mas abot-kayang pagkain para sa bawat Pilipino,” saad ng lider ng 306 kinatawan sa Kamara de Representantes.

Binanggit niya na matagal ng pasan ng mga magsasaka ang mataas na presyo ng imported na pataba, dahilan upang ang seguridad sa pagkain ng bansa ay labis na maapektuhan ng pabagu-bagong presyo sa pandaigdigang merkado.

“Every sack of rice, every ear of corn, every vegetable on our tables comes from the sweat and sacrifice of our farmers. But if they are struggling with high costs and low yields, we all feel the impact—sa presyo ng pagkain, sa gastusin ng pamilya, sa kabuhayan ng buong bansa,” aniya.

Sinabi ni Speaker Romualdez na ang bagong planta ng biofertilizer ay alinsunod sa layunin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na wakasan ang pagdepende ng bansa sa mga imported na produkto.

“His administration has championed the Balanced Fertilization Strategy, promoting biofertilizers like Bio N to boost productivity while protecting our environment,” aniya.

“As the President said in his latest State of the Nation Address: pinapalawak natin ang kaalaman ng ating mga magsasaka sa makabagong mga teknolohiya at pamamaraan. Isa na rito ang paggamit ng bio-fertilizers, na gawa sa Pilipinas at subok din at maaasahan. Sa balanced fertilizer strategy, gaganda ang ani ng mga magsasaka. Hindi na kailangang umasa sa mas mahal at imported na fertilizer,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

Ang bagong planta ay magbibigay ng dagdag na mapagpipilian, solusyon at suporta para sa mga magsasaka, pahayag ni Speaker Romualdez.

Aniya, “Hindi na nila kailangang mamili sa mataas na gastos o mababang ani—dahil ngayon, may mas abot-kayang alternatibo na!”

Ang planta, na may makabagong bioreactors, automatic packaging systems at microbiology research lab, ay kayang makagawa ng 7,000 metric tons ng Bio N kada taon—sapat upang matugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka ng palay at mais sa buong bansa.

“This plant represents more than just production capacity—it represents hope, opportunity and independence,” sabi ni Speaker Romualdez.

Pinuri ni Speaker Romualdez ang inisyatiba bilang patunay ng husay at sipag ng mga Pilipino.

“One of the most important things about this initiative is that it is 100% Proudly Filipino,” aniya.

Binigyang-diin niya na ang inagurasyon ng Bio N plant ay resulta ng dekadang pananaliksik at inobasyon ng mga siyentipikong Pilipino sa UPLB.

Dagdag pa niya, patunay ito na maaaring magtulungan ang pribadong sektor, gobyerno at mga institusyong pananaliksik upang magdala ng tunay na pagbabago sa buhay ng karaniwang Pilipino.

“To our farmers: this is for you. This is proof that we are committed to helping you thrive, not just survive,” sabi ni Speaker Romualdez. “This project is a bold step forward. But we cannot stop here. We must continue investing in innovation, research and real solutions that uplift our farmers and strengthen our agriculture sector,”

Hinimok din niya ang mga mambabatas at negosyante na mag-invest pa sa agrikultura dahil, aniya, ang matatag na sektor ng agrikultura ay nangangahulugan ng matatag na ekonomiya, matibay na komunidad at mas malakas na bansa.

Nanawagan din siya sa lahat ng Pilipino na suportahan ang lokal na sektor ng agrikultura.

“To every Filipino: support local. When you choose Philippine-grown rice, corn and produce, you help our farmers, you create jobs and you strengthen our economy,” ayon kay Speaker Romualdez.

Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, sinabi ni Speaker Romualdez na ang inagurasyon ng bagong Bio N fertilizer plant ay isang panalo para sa bawat Pilipino.

Aniya, “Ang Bio N—teknolohiyang Pilipino, gawang Pilipino, para sa Pilipino! Magsasaka ang panalo, Pilipinas ang panalo!”