Calendar
Speaker Romualdez: CARD program na sa Leyte, Samar, Biliran
MAHIGIT dalawang milyong kilo ng bigas at kabuuang P250 milyong cash assistance ang ipinamahagi sa may 83,000 benepisyaryo sa Eastern Visayas sa ilalim ng Cash Assistance and Rice Distribution (CARD) Program mula Abril 5 hanggang 7.
Ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang programa ay isang pagpapakita ng dedikasyon at pagtupad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Romualdez Marcos Jr. sa kanyang pangako na tulungan ang mga Pilipinong nangangailangan.
“Lumapag na po sa Leyte, Samar at Biliran ang CARD Program upang maghatid ng libreng bigas at ayuda para sa ating mga kababayan na nagmumula sa mga vulnerable sectors. Dito po ipinadadama ng administrasyon ni Pangulong Marcos sa ating mga mamamayan ang pagkalinga ng pamahalaan,” ani Speaker Romualdez, lider ng Kamara de Representantes na mayroong mahigit na 300 miyembro.
“Ang programa pong ito ay masusi nating pinag-aralan para makapagbigay ng ginhawa sa ating mga mamamayan. Buong Pilipinas po ang target natin sa CARD, at isusunod na po natin ang ibang lugar na hindi pa natin napuntahan. Saan man kayo, aabutin kayo ng ating pamahalaan,” dagdag pa nito.
Ayon kay House Deputy Secretary General Sofonias “Ponyong” Gabonada Jr. ang CARD Program, na inisyatiba ni Speaker Romualdez, ay tugon ng Kamara sa tumataas na presyo ng bigas upang matulungan ang mga residente ng Tacloban City, Leyte, Southern Leyte, Biliran, Samar, Eastern Samar at Northern Samar.
“Under the leadership of Speaker Martin, the House of Representatives is fully committed to addressing President Marcos’ challenges, focusing on aiding the vulnerable sectors,” sabi ni Gabonada na siyang nanguna sa secretariat ng Kamara sa implementasyon ng CARD program katuwang si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Rex Gatchalian.
Pinasalamatan ni Speaker Romualdez ang DSWD, lalo na si Gatchalian sa pakikibahagi nito sa programa upang matulungan ang mga Pilipinong lubhang apektado sa pagtaas ng presyo ng bigas.
Sa pagpapatupad ng CARD Program sa Eastern Visayas, binigyan ng tig-P3,000 halaga ng tulong ang may 83,000 benepisyaryo sa ilalim ng AICS program ng DSWD. Ang tulong ay binubuo ng 25 kilo ng bigas na nagkakahalaga ng P1,000 at P2,000 cash.
Kabilang sa mga natulungan ng programa ay mga mahihirap, senior citizens, PWDs, single parents, mga breadwinner ng pamilya at iba pa.
“Ito na ang pinakamalaking CARD Program distribution simula noong ilunsad natin ito noong nakaraang taon. Makakaasa kayo na mas palalakihin at palalakasin pa natin ang programa para mas maraming Pilipino ang makinabang sa bigas at ayuda mula sa gobyerno,” sabi pa ni Romualdez.
Umabot sa kabuuang 2,075,000 kilo ng premium rice at P250 milyong ayuda ang ipinamigay sa event.
Ang breakdown ng mga benepisyaryo sa iba’t ibang lugar ay ang sumusunod:
– 1st District ng Leyte: 11,000
– Tacloban City: 4,000
– Palo, Leyte: 1,000
– Tanauan, Leyte: 1,000
– Tolosa, Leyte: 1,000
– Babatngon, Leyte: 1,000
– Sta. Fe, Leyte: 1,000
– Along Alang, Leyte: 1,000
– San Miguel, Leyte: 1,000
– 2nd District ng Leyte: 6,000
– 3rd District ng Leyte: 6,000
– 4th District ng Leyte: 6,000
– 5th District ng Leyte: 6,000
– 1st District ng Southern Leyte: 6,000
– 2nd District ng Southern Leyte: 6,000
– Lone District ng Biliran: 6,000
– Lone District ng Eastern Samar: 6,000
– 1st District ng Samar: 6,000
– 2nd District ng Samar: 6,000
– 1st District ng Northern Samar: 6,000, at
– 2nd District ng Northern Samar: 6,000
Ang CARD Program ay inilungsad noong nakaraang taon upang mabigyan ng ayuda ang mga kuwalipikadong pamilya na tutukuyin mula sa iba’t ibang distrito ng bansa.
Ang pilot distribution ay isinagawa sa Metro Manila na mayroong 33 legislative district. Tinukoy sa bawat distrito ang 10,000 kuwalipikadong benepisyaryo o kabuuang 330,000 residente, at sa Biñan City at Sta. Rosa sa Laguna.
Ang CARD program ay ipinatutupad kasabay ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ni Pangulong Marcos na pumupunta sa iba’t ibang lalawigan ng bansa.
Bukod sa pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan, ang CARD Program ay nakatutulong din sa paglaban sa mga negosyanteng umiipit sa suplay ng bigas upang tumaas ang presyo nito.