Martin1

Speaker Romualdez hiningi tulong ng mga gov sa paglaban sa kahirapan, problema ng PH

Mar Rodriguez Sep 6, 2024
132 Views

NAKIPAGKITA si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa 27 gunerador ng mga probinsya upang hilingin ang kanilang partisipasyon sa whole-of-government approach laban sa kahirapan at iba pang problemang kinakaharap ng bansa at ng kanilang mga komunidad.

Ang pagpupulong ay dinaluhan din ni dating Cong. Anton Lagdameo, na ngayon ay special assistant to President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. upang pakinggan ang mga alalahanin ng mga gubernador.

Sa naturang pagpupulong, iginiit ni Speaker Romualdez ang kahalagan ng kooperasyon sa pagitan ng national government at local government units para maabot ang pag-unlad at sa paglaban sa mga isyung kinakaharap ng bansa.

“The problems we face – poverty, lack of infrastructure, health and education disparities – require the collective will and resources of the entire government. I am calling on all of you, our provincial governors, to be our partners in this whole-of-government approach,” ani Speaker Romualdez.

Ayon sa lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan, target ng Pangulo na maibaba ang poverty rate ng bansa sa single-digit sa pagtatapos ng kanyang anim na taong termino sa 2028.

“Let us help our beloved President to attain that goal, which means getting millions of Filipinos out of poverty,” dagdag pa nito.

Ipinunto ni Speaker Romualdez na malaki ang maitutulong ng mga gubernador at iba pang lokal na opisyal upang mabawasan ng malaki ang kahirapan sa bansa sa pamamagitan ng pagpapanatili na mababa ang presyo ng mga bilihin, mas malaking produksyon ng produktong agrikultursal, at episyenteng paghahatid ng serbisyo sa kanilang mga komunidad.

Nagpahayag ng pagnanais si Speaker Romualdez na mapalakas ang ugnayan nito sa mga lokal na lider ng bansa at nangako na pananatilihing bukas ang linya ng komunikasyon sa mga ito.

“This event is just the beginning. I am inspired to reach out to more governors moving forward, and I want to assure you that my office in the House of Representatives will always be open to any governor who wishes to discuss solutions for their provinces,” saad pa ni Speaker Romualdez.

Sa kanyang bahagi, muling inulit ni Lagdameo ang kahalagahan ng kooperasyon at kinilala ang mahalagang papel ng mga gubernador sa pagtiyak na matagumpay na maipatutupad ang mga programa ng national government sa kani-kanilang lugar.

Nagpasalamat naman ang mga gubernador sa pagbibigay ng oportunidad sa kanila upang mailahad ang kanilang mga hinaing direkta kina Speaker Romualdez at Secretary Lagdameo.

Tinapos ni Speaker Romualdez ang pagpupulong sa pamamagitan ng paggiit sa pangako nitong susuportahan ang mga panukalang batas na magpapalakas sa bawat probinsya at pagtiyak na walang maiiwanang Pilipino.

Ang mga gubernador na dumalo sa pagpupulong ay sina Ben Evardone (Eastern Samar), Victor Yu (Zamboanga del Sur), Alexander Pimentel (Surigao del Sur), Yvonne Cagas (Davao del Sur), Emmylou Mendoza (Cotabato), Edwin Ongchuan (Northern Samar), Ysmael Sali (Tawi-Tawi);

Reynaldo Tamayo (South Cotabato), Dakila Cua (Quirino), Ramon Guico III (Pangasinan), Malou Cayco (Batanes), Jerry Singson (Ilocos Sur), Elias Bulut (Apayao), Enrique Garcia (Bataan), Jun Ebdane (Zambales), Melchor Diclas (Benguet), James Edubba (Kalinga), Jerry Dalipog (Ifugao), Bonifacio Lacwasan (Mountain Province);

Jose Riano (Romblon), Ricarte Padilla (Camarines Norte), Nina Ynares (Rizal), Joseph Cua (Catanduanes), JC Rahman Nava (Guimaras), Arthur Defensor Jr. (Iloilo), Jake Villa (Siquijor), at Xavier Jesus Romualdo (Camiguin).