Calendar
Speaker Romualdez idineklara all-out war laban sa ganid na negosyante
NAGDEKLARA si Speaker Ferdinand Martin Romualdez ng all-out war laban sa mga profiteer, smuggler at hoarder ng pagkain na nagpapahirap umano sa mga ordinaryong pamilyang Pilipino.
Kasabay nito, sinabi ni Speaker Romualdez na gagawa ng mga agresibong hakbang ang Kongreso upang mapababa ang presyo ng pagkain.
Sa isang tanghalian kasama ang House media, sinabi ni Speaker Romualdez na nananatiling prayoridad ng Kamara de Representantes ang pagbibigay ng proteksyon sa mga Pilipino.
“The government is doing everything. Alam mo naman kaka-cut lang natin ng taripa para sa mga imported rice, from 35 to 15 percent. Ang dami-daming supply na naiimbak dyan pero bakit mataas pa rin ‘yung presyo?” punto ni Speaker Romualdez.
“That is what we are trying to ferret out. Bakit nga ba hanggang ngayon hindi pa bumababa ang presyo ng bigas?” dagdag pa nito.
Nagbabala rin si Speaker Romualdez na gagawa ang Kamara ng matinding hakbang upang labanan ang mga mapagsamantala.
“Sa mga profiteers dyan, ‘yung mga unscrupulous traders and wholesalers, we are going after you. The House will go after you. We will not allow this abuse to happen, lalo na itong panahon ng Pasko,” deklara nito.
Sinabi ni Speaker Romualdez na isa sa mga hakbang ng Kamara ang pagbuo ng House quinta committee, na kilala rin bilang Murang Pagkain Super Committee, na nag-iimbestiga kung bakit nanatiling mataas ang presyo ng bigas kahit na mayroong sapat na suplay at ibinaba na ang taripa na ipinapataw sa imported na bigas.
Ang super committee ay binubuo ng House committees on ways and means, trade and industry, agriculture and food, social services at special committee on food security.
“Our aim is to bring food prices to reasonable levels. This is about ensuring affordable rice and quality food for every Filipino,” wika pa ng lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 miyembro.
Ayon kay Speaker Romualdez, ang quinta comm ay nakikipagtulungan sa National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Customs (BOC) at Department of Agriculture (DA) para sa pagsasagawa ng inspeksyon sa mga warehouse na pinaghihinalaang umiipit sa suplay ng bigas.
Pinuri rin ni Speaker Romualdez ang quad comm na nagsisilbing “truth commission” na ang trabaho upang malantad ang korupsyon at sistematikong iregularidad.
“Parang nagiging truth commission na ngayon ‘yung Quad eh. Nagiging truth commission na ngayon ‘yung mga efforts natin dito sa Congress. Because this is the place, itong venue natin, ‘yung forum where we can come out and ferret out the truth,” sabi pa nito.
Ang quad comm—na binubuo ng House committees on dangerous drugs, public order and safety, human rights at public accounts—ay nagiimbestiga sa iligal na operasyon ng mga Philippine offshore gaming operator (POGO) at ang kaugnayan nito sa kalakalan ng iligal na droga, pangangamkam ng lupa ng mga dayuhan gamit ang mga pekeng dokumento, at extrajudicial killings sa war on drugs ng administrasyong Duterte.
Iginiit rin ng lider ng Kamara ang kahalagahan ng imbestigasyong isinasagawa ng House committee on good government and public accountability sa iregularidad sa paggamit umano ng confidential fund ni Vice President Sara Duterte.
Bukod sa pagkain, sinabi ni Speaker Romualdez na tututukan din ng Kamara ang isyu ng mahal na kuryente at ang suplay ng tubig.
“We will not stop there. Mind you, once we solve that, or at least we get the process going in bringing down the price of basic food commodities, we will even look at other basic needs of the people like power or energy cost. We will look at water. We will look at the very basic needs of the people because we are the House of the People,” ani Speaker Romualdez.
Ayon kay Speaker Romualdez, ang misyon ng Kamara ay nakalinya sa pagnanais ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pagandahin ang buhay ng mga Pilipino.
“Basta sama-sama tayo, babangon tayo muli,” sabi pa ng lider ng Kamara.
Nagpasalamat din si Speaker Romualdez sa House media sa kanilang kritikal na papel upang maipakalat ang mga tamang impormasyon sa publiko.
Kinilala rin nito ang “Young Guns,” ang grupo ng mga batang mambabas na kinabibilangan nina Representatives Zia Alonto Adiong, Rodge Gutierrez, Mika Suansing at Jude Acidre, sa kanilang aktibong pakikisalamuha sa media.
“Sila ang pambato natin talaga para magbibigay sila ng mga mensahe, mga initiatives at mga pahayag to our media. Sila ang parang talking heads natin. We have so many of them, so active, so motivated, brilliant,” saad ng Speaker.
“Magaling sila, very articulate at masipag talaga kasi kahit kailan, maski walang session, talaga nandoon para sa ating mga media and for all the information and all the news gathering,” saad pa nito.
Nanawagan si Speaker Romualdez sa mga lingkod bayan na pagnilayan ang kanilang misyon ngayong kapaskuhan at hinimok ang mga ito na ipagpatuloy ang pagseserbisyo sa publiko.
“During this time of Christmas, let us use some of our time to take stock. Mag-reflect tayo kung anong nangyari nitong taon and how can we be more effective public servants,” sabi ni Speaker.
“For those who are not living properly, not comfortable or secure lives, the Congress is here for you and with you, we will fight for you,” dagdag pa nito.