Rice

Speaker Romualdez itinulak agarang pag-aaral para manatili P20 kada kilong bigas ni PBBM

37 Views

INATASAN ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez nitong Linggo ang mga eksperto sa polisiya at badyet ng Kamara de Representantes upang magsagawa ng komprehensibong pag-aaral upang maging isang pambansang polisiya ang pagbebenta ng P20 kada kilong bigas, bilang suporta sa pagnanais ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na matiyak na makabibili nito ang bawat pamilyang Pilipino.

Binigyang-diin ni Speaker Romualdez na mahalaga ang inisyatibang ito para sa pangmatagalang seguridad sa pagkain at matulungan ang milyun-milyong pamilya. Aniya, handa ang Kamara na gumawa ng kinakailangang batas upang maisakatuparan ang layuning ito.

Sinabi ng lider ng Kamara na ang pag-aaral na gagawin ng Congressional Policy and Budget Research Department (CPBRD) sa pamumuno ni House Deputy Secretary General Dr. Romulo Emmanuel M. Miral Jr. ay susuri sa mga polisiya, pananalapi at lehislatibong landas upang maisakatuparan ang pangako ng Pangulo noong kampanya.

“Kung kaya sa ilang lugar, dapat kayanin sa buong bansa. President Marcos has set an aspiration that resonates with every Filipino family. It’s now our job in Congress to back that up with data, strategy, and decisive legislation,” ani Speaker Romualdez.

Binigyang-diin ng lider ng Kamara na mayroong 306 kinatawan na inaasahang matatapos ang pag-aaral ng CPBRD sa loob ng 60 araw. Gagamitin umano itong gabay ng Kamara sa paggawa ng badyet para sa susunod na taon.

Ayon sa paunang pagtataya, nagkakahalaga ng P7 kada kilo ang kakailanganing subsidy sa pagbebenta ng P20 kada kilong bigas sa may 44 milyong mahihirap at halos mahirap na pamilya na kumokonsumo ng 20 milyong kilo araw-araw.

Ito ay katumbas ng P140 milyon bawat araw o humigit-kumulang P51.1 bilyon kada taon.

Upang kayanin ng gobyerno, iminungkahi ni Speaker Romualdez na ipatupad ito ng dahan-dahan.

Ngayong 2025, ang sakop lamang ng programa ang pinakamababang 20 porsiyento ng populasyon, na mangangailangan ng tinatayang P17 bilyon. Sa 2026, palalawakin ito sa pinakamababang 35 porsiyento, na may gastos na P30 bilyon.

Pagsapit ng 2027, maaabot na nito ang 50 porsiyento ng populasyon, at kakailanganin na ang buong P51 bilyon. Ang yugto ng 2028 ay magpopokus sa pag-optimize ng sistema at integrasyon ng programa sa food stamp at buffer stocking initiatives.

Binigyang-diin ni Speaker Romualdez na bagama’t may kasalukuyang mga programa gaya ng Kadiwa stores, kailangang lumampas sa subsidiya ang pagsisikap upang tugunan ang mas malalim na suliranin sa supply chain ng bigas.

Tinukoy niya ang mga sistemikong hamon na binanggit ni Pangulong Marcos, gaya ng talamak na smuggling at hoarding, labis na pag-asa sa imported na bigas, at kakulangan ng suporta sa lokal na mga magsasaka.

“This study will not be limited to subsidy calculations. We need to overhaul the entire system—from seed to store shelf,” aniya.

Ipinunto ng lider ng Kamara ang datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) na nagpapakita na mula Enero hanggang Marso 2025, ang average farmgate price ng palay ay nasa P19.54 kada kilo, habang ang retail price ng bigas ay nasa P53.85 kada kilo—isang agwat na higit sa P32.

Ayon sa kanya, upang mapaliit ang agwat na ito, kinakailangan ang mas malawak na pagbili ng pamahalaan mula sa mga kooperatiba ng magsasaka, mas mahusay na post-harvest infrastructure, mas matatag na mekanismo ng price stabilization sa ilalim ng National Food Authority (NFA), at mahigpit na pagpapatupad ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.

Kumpirmado rin ni Speaker Romualdez na bibigyang prayoridad ng Kamara ang mga panukalang batas para maisabatas ang abot-kayang bigas.

Kabilang dito ang paglikha ng Rice Assistance Fund upang pagsamahin ang rice-related subsidies mula sa mga ahensyang gaya ng Department of Agriculture (DA) at Department of Social Welfare and Development (DSWD), pagpasa ng National Rice Buffer Stocking Act na may malinaw na procurement at importation protocols, pagpapalawak ng Rice Competitiveness Enhancement Fund para suportahan ang mekanisasyon at drying facilities, at pagbuo ng Logistics and Market Stabilization Fund para tugunan ang mga problema sa transportasyon, imbakan at emergency supply.

“Food security is not just the job of the farmer. It is a responsibility that involves every part of government and society,” ani Speaker Romualdez.

“The House of Representatives is fully committed to working with Malacañang, the DA, DSWD, DBM (Department of Budget and Management), and local government units to make P20 rice not only possible—but permanent,” dagdag pa niya.

Muling iginiit ni Speaker Romualdez ang pangarap ng Pangulo ay pangarap din ng Kongreso.

“Ang pangarap ni Pangulong Marcos ay pangarap rin ng Kongreso—isang hapag-kainan na may sapat, abot-kaya, at de-kalidad na bigas para sa bawat Pilipino,” sabi ni Speaker Romualdez.