Calendar

Speaker Romualdez: Kamara tatalakayin nalalabing mahahalagang panukala
SA nalalabing dalawang linggo bago ang sine die adjournment ng 19th Congress, bibigyang prayoridad ng Kamara de Representantes ang pagpasa ng mga natitirang mahalagang panukalang batas, ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
“Panahon na para tapusin ang mga naiwan nating trabaho. Now is the final stretch of the 19th Congress, and we intend to make every day count,” ani Speaker Romualdez.
Sinabi ni Speaker Romualdez na kabilang sa mga panukalang nakatakdang isalang sa ikatlo at pinal na pagbasa ay ang House Bill (HB) No. 10987, ang Anti-Offshore Gaming Operations Act, na layong ipagbawal ang POGOs at ang offshore gambling operations sa bansa, at ang HB 11359, ang Philippine Civil Registry Act, na inaamyendahan ang luma nang sistema ng pagtatala ng civil status information.
Dagdag pa ni Speaker Romualdez, kabilang din sa mga panukalang nakatakdang aprubahan ay ang HB 11430, ang Declaration of State of Imminent Disaster Act; HB 11395, ang AICS Act na nagsasa-institusyonalisa ng emergency assistance para sa mga indibidwal sa krisis; at House Bill 11400, ang panukala sa pagpapalawak ng mga benepisyo at pribilehiyo para sa mga senior citizen.
“Let us move decisively on these bills. Bawat isa sa kanila ay may direktang epekto sa buhay ng mga Pilipino, mula sa kaligtasan ng komunidad, hanggang sa karapatan at benepisyo ng ating mga senior citizens,” ani Speaker Romualdez.
Partikular na tinukoy ang Anti-POGO bill, na tumutugon sa tumitinding mga isyu sa krimen, katiwalian, at pambansang seguridad na umano’y may kaugnayan sa offshore gaming operations.
“We owe it to our people to shut the doors on criminal syndicates hiding behind legal loopholes,” ani Speaker Romualdez, at idinagdag na bunga ito ng imbestigasyon ng House Quad Comm.
Nakamit ng Kamara ang kahanga-hangang dami ng naiprosesong panukala sa 19th Congress, kung saan 13,868 na panukala ang inihain mula Hulyo 25, 2022, hanggang Mayo 28, 2025.
Sa bilang na ito, 11,506 ay mga panukalang batas, at 2,361 naman ang iba’t ibang uri ng resolusyon. Naglabas din ang Kamara ng 1,451 committee reports at sa huli ay naaprubahan ang 1,493 na panukala sa ikatlong pagbasa, kabilang dito ang 280 na naging batas— 93 pambansa at 187 lokal na batas.
Ipinahayag din niya ang buong suporta ng Kamara sa P20 rice program ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at iginiit na may moral na obligasyon ang pamahalaan na gawin ang lahat ng makakaya upang maihatid ang abot-kayang bigas sa bawat hapag-kainan ng pamilyang Pilipino.
Habang papalapit ang pagtatapos ng sesyon ng Kongreso, pinaalalahanan ni Speaker Romualdez ang mga mambabatas sa kanilang tungkulin na ipagtanggol ang mga demokratikong institusyon sa gitna ng lumalalang banta online.
“Fake news, disinformation, algorithmic manipulation – these are attacks on truth, on democracy and the Filipino mind. Kaya huwag nating hayaan na patuloy itong kumalat,” aniya.
“Sa huling mga araw ng 19th Congress, ipakita natin na ang House of the People ay tahanan ng katotohanan, katarungan at kaayusan. Tayo ang tagapagtanggol ng tiwala ng taumbayan,” dagdag niya.
“We started strong, and we will end strong.”
Noong Huwebes, buong pagmamalaking inihayag ni Speaker Romualdez ang halos ganap na pagpasa sa 27 sa 28 panukala sa ilalim ng Common Legislative Agenda (CLA) sa ika-8 pagpupulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Nilalayon ng mga senador at miyembro ng Kamara na maipasa ang mga panukalang LEDAC bago matapos ang Ikatlong Regular na Sesyon ng Ika-19 na Kongreso.
Iniulat ni Speaker Romualdez kay Pangulong Marcos ang 28 panukalang LEDAC na napagkasunduang aprubahan bago matapos ang ikatlong regular na sesyon ng Ika-19 na Kongreso.
Sa 28 panukala, tanging ang panukalang amyenda sa Agrarian Reform Law na lamang ang hindi pa natatapos ng Kamara.
Mula nang magbukas ang Ika-19 na Kongreso, 61 sa 64 na panukalang LEDAC ang naipasa na ng Kamara.
Ang natitirang tatlong panukala ay ang National Defense Act, ang Budget Modernization Bill, at ang mga amyenda sa Agrarian Reform Law.
Tiniyak ni Speaker Romualdez kay Pangulong Marcos na nananatiling nakatuon ang Kamara ng mga Kinatawan sa pagpasa ng mga batas na magpapabuti sa araw-araw na buhay ng mga Pilipino.