Martin

Speaker Romualdez kinilala mga nagawa ni PBBM: ‘Keep up the good work, Mr. President’

204 Views

KINILALA ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez ang mga nagawa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa unang taon nito sa puwesto.

“The President did well on Year 1. Keep up the good work, Mr. President,” ani Speaker Romualdez.

Si Pangulong Marcos ay isang taon na sa puwesto bukas, Hunyo 30.

Ayon kay Speaker Romualdez ang pinakamalaking nagawa ng administrasyong Marcos sa unang taon nito ay ang pagtulong sa mga ordinaryong Pilipino, pagpapanatili ng pag-unlad ng ekonomiya, paghikayat sa mga mamumuhunan na magnegosyo sa bansa at magandang pakikitungo sa ibang bansa.

Sinabi ni Speaker Romualdez na ginawa ng Pangulo ang kanyang makakaya upang matugunan ang mga alalahanin ng mga ordinaryong Pilipino gaya ng presyo ng bilihin at kawalan ng matitirahan.

“Shortly after assuming office, he was confronted with spikes in the price of certain commodities like onions, which were selling for as much as P800 a kilo, and the basic staple rice,” sabi ni Speaker Romualdez.

Sa tulong ng Kongreso, sinabi ni Speaker Romualdez na napigilan ang labis na pagtataas ng presyo ng mga bilihin gaya ng sibuyas at bigas, ani Speaker Romualdez.

Nagsagawa ng imbestigasyon ang House Committee on Agriculture and Food na pinamumunuan ni Quezon Rep. Mark Enverga kaugnay ng pag-ipit sa suplay ng sibuyas upang mamanipula ang presyo nito at natukoy ang kartel na nasa likod nito.

Sinabi ni Speaker Romualdez na binuhay din ng Pangulo ang Kadiwa stores ng kanyang ama para mayroong mabilihan ng murang produkto ang publiko.

“He has a genuine concern, compassion and empathy for the poor,” sabi ni Speaker Romualdez.

Sinabi ni Speaker Romualdez na sa larangan ng pabahay, ginamit ng Pangulo ang natutunan nito sa administrasyon ng kanyang ama at binuhay ang BLISS (Bagong Lipunan Improvement of Sites and Services) program na ipinatupad ni dating First Lady Imelda Marcos, noong ito ang minister ng Human Settlements.

Inilungsad din ni Pangulong Marcos ang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino at inatasan ang Department of Human Settlements and Urban Development na magtayo ng mga medium-rise at high-rise condominium na matitirahan ng mga mahihirap, at empleyado ng gobyerno gaya ng pulis at sundalo.

Hindi rin umano maitatanggi na maganda ang tinatakbo ng ekonomiya.

“The economy grew by 7.6 percent and 7.2 percent in the third and fourth quarters of 2022, and 6.4 percent in the first quarter of this year. Those growth periods were the first nine months of the Marcos administration. I sincerely hope we could sustain it,” aniya.

Ang pag-angat umano ng ekonomiya sa unang anim na buwan ng administrasyon ay resulta ng desisyon ng Pangulo na buwan ang ekonomiya sa gitna ng banta ng COVID-19 pandemic.

Itinaas din ang World Bank ang 2023 forecast nito sa Pilipinas na 5.4%-5.6% sa anim na porsyento.

Sa mga biyahe sa ibang bansa, sinabi ni Speaker Romualdez na pinangunahan ng Pangulo ang paghikayat sa mga dayuhang mamumuhunan na magnegosyo sa bansa.

Napalakas din umano ang ugnayan ng Pilipinas sa mga bansang binisita ng Pangulo gaya ng Estados Unidos, dagdag pa ng lider ng Kamara.

“He has cultivated our ties with our old, reliable ally and partner, the US, and renewed bilateral discussions with China to uphold our interests in the West Philippine Sea and our exclusive economic zone,” sabi pa ni Speaker Romualdez.

Dahil sa magandang performance at tunay na pagmamalasakit sa mga mahihirap at sa bansa, sinabi ni Speaker Romualdez na nananatiling popular ang Pangulo.

Batay sa survey ng Pulse Asia noong Marso, 78 porsyento ng mga respondent ang nagsabi na pabor sila sa performance ng Pangulo samantalang 80 porsyento ang nagtitiwala sa kanya.

Sa second-quarter survey ng Publicus, nakakuha ang Pangulo ng 62 porsyentong rating, tumaas mula sa 60 porsyento sa unang quarter.

Nagsabi rin ang 68 porsyento ng mga respondent na tama ang direksyong tinatahak ng Pangulo.

Sa first quarter survey naman ng OCTA Research Group, nagsabi ang 54 porsyento na inaasahan nila na gaganda ang kanilang buhay, mas mataas sa 51 porsyento na nagsabi nito sa nakaraang survey. Samantala, sinabi naman ng 50 porsyento na gaganda ang ekonomiya, tumaas mula sa 46 porsyento.