Ayuda Si Wilma P. Porras, ang ina ni Pvt. James Porras na nasawi sa Pebrero 18 na sagupaan ng gobyerno at teroristang Dawlah Islamiyah-Maute, ay tumanggap ng kabuuang P430,000 financial, educational at livelihood assistance mula kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, na nirepresenta ni Agusan del Sur 1st District Rep. Alfelito Bascug noong turnover. Kasama ni Mrs. Porras si Michelle Sasarita, ang common law spouse ni Pvt. Porras na pitong buwang buntis. Ang handover ng aid package ay ayon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na magbigay ng tulong sa pamilya ng mga sundalong nasawi at nasugatan sa encounter.

Speaker Romualdez nagbigay ng financial ayuda sa mga pamilya ng sundalong namatay, nasugatan

128 Views
Ayuda1
Si Cagayan de Oro 1st District Rep. Lordan Suan ay nag-turn over kay Cpl. Rey Mark Limare, na nasugatan sa Pebrero 18 na sagupaan ng gobyerno at teroristang Dawlah Islamiyah-Maute, ng P250,000 financial at livelihood assistance mula kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez. Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. kay Speaker na magbigay ng tulong sa pamilya ng mga sundalong nasawi at nasugatan sa encounter.

Sa sagupaan sa Lanao del Norte

ALINSUNOD na rin sa kautusan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., nagpaabot ng tulong pinansyal si House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa pamilya ng anim na sundalong nasawi at sa anim na tropang nasugatan sa pakikipagsagupaan sa teroristang grupong Dawlah Islamiyah-Maute sa Lanao del Norte noong Pebrero 18.

Ito ang iniulat nitong Linggo ni Deputy Majority Leader for Communications at ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo na nagsabing mahigit P4.14 milyong financial, educational at livelihood assistance, mula sa personal calamity at emergency funds ng Speaker, ang naibigay sa mga pamilya ng 12 sundalo mula noong nakaraang linggo ng Pebrero hanggang ngayon.

“The amount was released to them as per the instructions of President Bongbong Marcos, Jr. Hindi po nito mababayaran ang buhay na nawala o ang pinsalang dulot ng digmaan, pero sana ay makatulong ito sa pamilya ng ating mga magigiting na sundalo,” ani Tulfo.

Bukod dito, sinabi ni Tulfo na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE) at Commission on Higher Education (CHED) ay magbibigay din ng livelihood at educational assistance sa mga biktima at kanilang mga dependents, gaya ng itinagubilin ni Pangulong Marcos.

Nauna rito, ibinunyag ni Speaker Romualdez na inatasan siya ni Pangulong Marcos Jr. na magbigay ng tulong pinansyal sa mga pamilya nina Corporal Rey Anthony Salvador, Corporal Reland Tapinit, Corporal Rodel Mobida, PFC Arnel Tornito, Pvt. Micharl John Lumingkit at Pvt. James Porras na pawang namatay sa naturang sagupaan.

Kasama rin sa direktiba ang pagbibigay ng tulong sa mga nasugatang sina Corporal Jaymark Remotigue, PFC Marvien Aguipo, Pvt. Amiril Sakinal, Corporal Rey Mark Limare, Corporal Ernil G. Quiñones at Pvt. Nazareno Provido.

“Inutusan tayo ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na ipaabot sa ating mga opisyal ng AFP na naririto ngayon sa Sultan Kudarat ang dagdag na benepisyong inilaan natin para sa mga sundalo at kanilang pamilya na naapektuhan ng labanang naganap kontra sa grupong Dawlah Islamiyah-Maute,” ani Romualdez.

“Nagresulta ang engkwentro sa pagkawala ng anim na magigiting na sundalo at pagkasugat ng iba pa. Ang mga sundalong ito ay nagpakita ng walang kapantay na tapang at dedikasyon sa ating bansa habang sila ay nakikipaglaban sa mga miyembro ng grupong terorista,” dagdag pa niya. “Ginawa nila ito para gampanan ang tungkulin nila sa pagpapanatili ng ating pambansang seguridad at kapayapaan.”

Batay sa ulat, ang naturang sagupaan ng extremist group at mga sundalo mula sa 44th Infantry Batallion ay naganap sa Barangay Ramain, bayan ng Munai sa Lanao del Norte.

Sinabi ni Tulfo na para sa pamilya ng anim na nasawing “bayani,” na sina Salvador, Tapinit, Mobida, Tornito, Lumingkit at Porras, ipinagkaloob ang aid package na nagkakahalaga ng mula P400,000 hanggang P430,000, P300,000 na cash aid, P30,000 na schooling aid para sa bawat bata at P100,000 na livelihood assistance.

Sina Agusan del Sur Rep. Alfelito Bascug at Zamboanga City Rep. Khymer Adan Olaso ang nag-turn over ng financial packages sa mga pamilya ni Porras, Salvador at Lumingkit.

Si Zamboanga del Sur 1st District Rep. Divina Grace C. Yu naman ang nagbigay ng financial aid sa mga mahal sa buhay ni Lumingkit at Tornito, habang sina Yu at Zamboanga del Sur 2nd District Rep. Jeyzel Victoria C. Yu ang nag-turn over ng cash assistance sa pamilya Mobida.

Si Lanao del Norte 2nd District Rep. Sittie Aminah Q. Dimaporo naman ang nagkaloob ng tulong sa pamilya Tapinit.

Para sa anim na nasugatang sundalo at kanilang pamilya, si Cagayan de Oro Rep. Lordan Suan ay nagbigay ng P150,000 bilang cash aid, P30,000 na schooling aid para sa bawat bata at P100,000 na livelihood assistance. Nabatid na dalawa sa mga nasugatang sundalo ay may tig-isang anak habang ang apat na iba pa ay walang anak.

“Ang mga hakbang na ito ay patunay sa pasasalamat at pangako ng bansa sa kagalingan ng ating mga tauhan ng militar at ng kanilang mga pamilya. Kinikilala natin ang malalim na sakripisyo ng ating mga sundalo para tiyakin ang ating kaligtasan at kalayaan. Nararapat lamang na suportahan natin sila at ang kanilang mga mahal sa buhay sa panahon ng pangangailangan,” ani Speaker Romualdez.

“Taos-puso tayong nakikiramay sa mga pamilya nina Corporal Rey Anthony Salvador, Corporal Reland Tapinit, Corporal Rodel Mobida, PFC Arnel Tornito, Pvt Micharl John Lumingkit, at Pvt James Porras. Dagdag pa rito, nais natin ng mabilis na paggaling sa mga sugatang bayani, sina Corporal Rey Mark Limare, Corporal Ernil G Quiñones, Corporal Jaymark Remotigue, PFC Marvien Aguipo, Pvt Amiril Sakinal, at Pvt Nazareno Provido,” dagdag pa niya.