Speaker Romualdez nangako ng solidong suporta sa DILG, PNP sa kampanya laban kriminalidad

203 Views

NANGAKO si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na solidong suporta ang ibibigay ng Kamara de Representantes sa pinaigting na kampanya ng mga alagad ng batas laban sa krimen.

Inihayag ni Speaker Romualdez ang pagsuporta ng Kamara matapos ang isinagawang closed-door meeting sa pagitan ng mga lider ng Kamara, Department of Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos, at mga opisyal ng Philippine National Police na pinangunahan ni Gen. Rodolfo Azurin Jr. kaugnay ng magkakasunod na high-profile crimes na naganap kamakailan.

“Nakausap ko si Presidente [Ferdinand Marcos] kanina [sa Cebu] at natuwa siya na binibigyan nating pansin ang nangyaring krimen recently,” ani Speaker Romualdez.

Iniulat din nina Abalos at Azurin kay Speaker Romualdez na bumaba ang crime rate bagamat mayroong mga insidente ng high-profile crime.

“We gave Sec. Abalos and Gen. Azurin our assurance that the House of Representatives would be open to providing the PNP with adequate funding support and other resources—as well as new legislation if necessary– to buttress the campaign against crime, which is our shared concern,” sabi ni Speaker Romualdez.

Kasama sa mga dumalo sa pagpupulong sina House Majority Leader Mannix Dalipe, House Minority Leader Marcelino Libanan, Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, Deputy Speaker Aurelio Gonzales, Navotas Rep. Toby Tiangco, Camiguin Rep. Jayjay Romualdo, at Agusan del Norte Rep. Joboy Aquino II.

Sina Abalos at Azurin ay sinamahan naman nina Chief of Directorate for Investigation and Detective Management Maj. Gen. Eliseo Cruz, NCRPO Chief Maj. Gen. Edgar Alan Okubo, at Deputy Chief for Operations Maj. Gen. Jonnel Estomo.

Sumang-ayon si Speaker Romualdez sa pangangailangan na paigtingin ang kampanya laban sa kriminalidad kasama ang pagsugpo sa mga iligal na baril at pagpapakalat ng mga pulis sa mga pampublikong lugar kasabay ng pag-ibayo sa intelligence-gathering capability at pagsasanay ng mga pulis.

Dapat umanong simulan ang kampanya laban sa krimen sa pamamagitan ng pagtiyak na maipatutupad ng maayos ang mga batas.

“Let us ensure that the law is carried out strictly, without fear or favor,” sabi ni Speaker Romualdez.

“We are here to address all possible threats to public order and safety. We agreed to work together to reduce all forms of criminality and violence,” dagdag pa ng lider ng Kamara.

Binigyan-diin din ni Speaker Romualdez ang halaga na magpatuloy ang pagtutulungan ng komunidad at gobyerno sa pagsugpo sa krimen.

Sinabi rin ni Speaker Romualdez na dapat higpitan pa ang pagkuha ng lisensya ng baril at isailalim ang mga kumukuha sa dagdag na gun safety training at masusing background check.

Itinulak din ni Romualdez ang pagpapalakas ng national database ng mga baril upang agad na matukoy ang mga may-ari nito.

“These proposals are meant to ensure a safer environment for everyone. This is our commitment to protect the citizens and promote public safety,” ani Speaker Romualdez.

Umapela rin ang lider ng Kamara sa DILG at Department of Justice (DoJ) na tiyakin na makakasuhan at maparurusahan ang mga sangkot sa iligal na pagdadala ng baril.

Pinuri naman ni Romualdez ang mga alagad ng batas na nagsasakripisyo umano sa paglaban sa krimen.

“I thank our law enforcement agencies for working tirelessly to combat crime and protect our citizens,” pagtatapos ni Speaker Romualdez.