Martin

Speaker Romualdez naninindigan na hindi pine-personal ng Kamara si Teves

Mar Rodriguez Jun 3, 2023
110 Views

MULING naninindigan si House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez na hindi umano pine-personal ng Kamara de Representantes si suspended Negros Oriental 3rd Dist. Congressman Arnulfo “Arnie” Teves, Jr. matapos itong muling suspendihin ng House Committee on Ethics ng 60 araw.

Nauna ng sinabi ni Speaker Romualdez na tinutupad lamang nila, kabilang na ang mga miyembro ng Kamara de Representantes, ang kanilang mandato at tungkulin sa taongbayan matapos na mag-desisyon ang mayorya ng mga kongresista sa pagpapataw ng panibagong suspensiyon kay Teves.

Magugunitang muling nagsagawa ng pagdinig ang Ethics Committee patungkol sa kontrobersiyal na kaso ni Teves. Kung saan, nagbigay ng rekomendasyon ang ga miyembro ng nasabing Komite na muling patawan ng panibagong 60 araw na suspensiyon matapos itong mabigong magpakita.

Kabilang sa mga sanctions na ipinataw ng Ethics Committee laban kay Teves ay ang alisan ito ng committee membership sa lahat ng mga Komite na kinabibilangan nito makaraang muli siyang mabigong magpakita sa Kongreso sa palugit na ibinigay ng nasabing Komite.

Dahil dito, binigyang diin ng House Speaker na hindi nila hahayaan na siranin ng sinoman ang integridad ng Kongreso. Kasunod ng kaniyang paninindigan na walang personal sa naging desisyon ng Kongreso sapagkat ginagawa lamang umano nila ang kanilang sinumpaang tungkulin.