Martin4

Speaker Romualdez: Paano mag-iimbita ang DOT ng turista kung me bantay-salakay sa airport?

337 Views

GALIT na nagpahayag si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ukol sa paano makakabangon ang industriya ng turismo sa Pilipinas at makapag-iimbita ang Department of Tourism ng mga bisita kung may nakawan at pang-extort umano na nangyayari sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

“Prayoridad ng Pangulong Marcos na palaguin ang tourism industry natin para makabangon tayo mula sa pandemya. Pero papaano tayo mag-iimbita ng mga bisita kung bantay-salakay naman ang ilang security natin sa airport?,” tanong ni Speaker Romualdez.

Dagdag pa ni Speaker Romualdez na nakakahiya ang mga nasabing insidente ng pagnanakaw at panghuhuthot umano ng ilang personnel ng Office of Transportation Security (OTS) ng Department of Transportation (DOTr) sa NAIA kamakailan.

Ipapatawag ngayong Lunes ni Speaker Romualdez ang mga opisyal ng DOTr para hilingin ang pag-reshuffle ng mga opisyal at tauhan ng OTS.

“Papaano pa tayo manghihikayat ng mga turista sa ating bansa kung mga magnanakaw o extortionist ang ilang mga nagbabantay sa ating airport?,” galit na pahayag ng pinuno ng Kamara de Representantes.

Ayon sa kinatawan ng Unang Distrito ng Leyte, “habang abala sa panghihikayat ang Department of Tourism sa mga turista na pumasyal sa bansa, iba naman pala ang plano nitong ilang OTS personnel sa kanila.”

Sinabi pa ni Speaker Romualdez na irerekomenda niyang palitan ang lahat ng mga empleyado ng OTS ng mga professional at tapat na tao.

“I will recommend to DOTr Sec. Jimmy Bautista to replace all OTS personnel at the airport with honest and professional ones,” sinabi pa ni Romualdez.

Idinagdag pa ni Romualdez na payagang mag-reapply ang mga OTS personnel na may magandang rekord upang makabalik sa trabaho.

Ipinanukala pa ng Speaker na sumailalim sa lie detector test at training ang mga kuwalipikadong makakabalik sa trabaho at maging ang mga bagong recruits.