Calendar

Speaker Romualdez: PH ipagtatanggol soberanya, karapatan sa ilalim ng int’l law
SA gitna ng patuloy na mga agresibong hakbang ng China sa West Philippine Sea (WPS), nanindigan si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa mga mambabatas mula sa iba’t ibang bansa na nagtipon-tipon sa Madrid, Spain, na patuloy na ipagtatanggol ng Pilipinas ang soberanya at karapatan nito sa ilalim ng international law at pagkakaisa sa mga demokratikong bansa.
Sa kanyang talumpati sa 29th Parliamentary Intelligence-Security Forum (PI-SF) noong Huwebes ng hapon (oras ng Pilipinas), muling pinagtibay ni Romualdez ang paninindigan ng Pilipinas sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa 2016 Arbitral Award na hayagang kumilala sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas at tumutol sa malawakang pag-aangkin ng China sa mga teritoryo sa South China Sea.
“Let me be clear: the Philippines remains steadfast in protecting our rights and entitlements in the West Philippine Sea by upholding international law, particularly the 1982 UNCLOS and the 2016 South China Sea Arbitral Award,” ayon sa pinuno ng Kamara.
“We categorically reject attempts to undermine our sovereignty, sovereign rights and jurisdiction through coercion or disinformation,” giit pa niya.
Ang pahayag ni Romualdez ay kasunod ng mga ulat na isang barko ng China Coast Guard (CCG) ang gumamit ng water cannon at sinadyang banggain ang isang sasakyang-pandagat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng Pilipinas habang ito ay nagsasagawa ng marine scientific research mission sa Pag-asa Cay 2 (Sandy Cay) sa WPS.
Sa mga nakalipas na insidente, ilang pagkakataon na ring binomba ng water cannon ng mga barko ng CCG ang mga bangka ng Pilipinas na nagdadala ng suplay sa mga sundalo, gayundin ang pagharang malapit sa Ayungin Shoal, at dumagsa rin sila sa Escoda (Sabina) Shoal—mga hakbang na mariing tinuligsa ng mga opisyal ng Pilipinas at ng ibang bansa dahil sa paglabag sa mga patakaran ng batas sa karagatan.
“These are not isolated incidents,” giit ni Romualdez. “This is not just a regional issue. It is a global test of whether the rule of law will prevail over brute force.”
Binigyang-diin niya na kailanman ay hindi isusuko ng Pilipinas ang kanyang mga karapatan o mananahimik sa harap ng mga pananakot, at muling pinagtibay ang foreign policy na nakabatay sa kapayapaan, katarungan at paggalang sa isa’t isa.
“Our approach is anchored on legal clarity, diplomatic dialogue, leveraging partnerships, and the peaceful settlement of disputes,” saad ni Romualdez.
“We will not allow foreign narratives to distort the truth on the ground. Nor will we permit coercive actions to dictate our national destiny,” sinabi pa niya.
Nanawagan si Speaker Romualdez sa mga demokratikong bansa at sa mga naninindigan sa batas na patuloy na maging mapagmatyag at magkaisa laban sa mga taktika ng panlilinlang, propaganda sa internet, at paglabag sa batas at kaayusang pandagat.
“We serve not only as lawmakers but as standard-bearers of the democratic rule of law,” wika ng mambabatas mula sa Leyte. “In an age when misinformation, cyberattacks, and technological disruption threaten the very fabric of our societies, the need for vigilance and unity among democracies has never been greater.”
Iniugnay rin ni Speaker Romualdez ang isyu ng seguridad sa karagatan sa mas malawak na mga suliraning pandaigdig at nagbabala sa mga panganib na dulot ng hindi regulated na teknolohiya, paggamit sa impormasyon bilang armas, at hybrid threats na sumusubok sa kakayahang umangkop ng mga bansa at tibay ng pamahalaan.
Ang talumpati ni Speaker Romualdez ay nakabatay sa mga napag-usapan sa 28th PI-SF na ginanap sa Maynila noong nakaraang taon, kung saan nagsama-sama ang mga mambabatas mula sa iba’t ibang bansa para talakayin kung paano maayos na malulutas ang mga isyu, mapangangalagaan ang teritoryo at mapoprotektahan ang global supply chain.
“Forums like the PI-SF allow us to expand these initiatives globally,” wika ni Romualdez. “Here, we are not merely exchanging intelligence—we are building solidarity, mutual understanding, and the legislative muscle to defend freedom and prosperity in this rapidly shifting world.”
Inorganisa ng Senado ng Espanya at pinamunuan ni dating US Congressman Robert Pittenger ang ika-29 na PI-SF na dinaluhan ng mahigit 40 bansa para pag-usapan ang mga paraan kung paano harapin ang mga pandaigdigang banta.
Ang paglahok ni Speaker Romualdez ay nagbigay ng mas mataas na posisyon sa Pilipinas bilang pangunahing tinig sa pagtatanggol ng international law at kapayapaan sa Indo-Pacific region.
Bilang pagtatapos, nanawagan si Speaker Romualdez para sa pagkakaisa at pagsama-sama sa pagtupad ng layunin ng bansa.
“Let us move forward—united in purpose, resolute in action, and inspired by our common vision of peace, stability, and global cooperation,” pahayag ni Speaker Romualdez.