Martin MAINIT NA PAGBATI SA CAMBODIA — Mainit na tinanggap ni Cambodian Prime Minister, His Excellency Hun Manet, si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa Raffles Grand Hotel D’Angkor sa Siem Reap Cambodia kung saan nagkaroon sila ng bilateral meeting Lunes ng hapon. Si Speaker Romualdez ay nasa dalawang araw na official trip sa Cambodia upang palakasin ang kooperasyon ng Cambodia at Pilipinas sa rice trade, tourism, security, at defense.

Speaker Romualdez pinagtibay pagpapalakas ng ugnayan, kalakalan ng bigas ng Pilipinas at Cambodia

Mar Rodriguez Nov 18, 2024
217 Views

NAKIPAGPULONG si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez kay Cambodian Prime Minister Hun Manet ngayong Lunes upang itaguyod ang pagpapalakas ng kooperasyon ng dalawang bansa sa kalakalan ng bigas, turismo, seguridad, at depensa.

Binigyan-diin ni Speaker Romualdez ang pangangailangan na matiyak na matatag ang suplay ng bigas at abot-kaya ang presyo nito lalo na at ang Pilipinas ay madalas tamaan ng bagyo at iba pang problema na dulot ng pababago-bagong klima na nakakaapekto sa sektor ng agrikultura.

Bago tumulak patungong Cambodia, pinangunahan ni Speaker Romualdez ang pinagsamang pagsisikap ng Kamara de Representantes at ng Department of Social Welfare and Development, sa paglulungsad ng “Tabang Bikol, Tindog Oragon”, kung saan 24 na trak ng mga relief goods at P750 milyong halaga ng financial aid ang ipamamahagi sa mga biktima ng bagyo sa Bicol region.

“Collaborating with Cambodia, a leading rice exporter, will help us secure a steady supply of this vital commodity. Strengthening our food security not only protects Filipino families but also ensures our resilience in the face of extreme weather events,” ayon kay Speaker Romualdez.

Binanggit niya na kahit tumataas ang lokal na produksyon ng bigas, kinakailangan pa rin ng Pilipinas na mag-angkat upang mapanatili ang matatag ang suplay. Pangunahing umaangkat ang bansa sa Vietnam at Thailand.

Sa nakaraang bilateral meeting sa pagitan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Cambodian Prime Minister Hun Manet sa sidelines ng ASEAN-Australia Special Summit sa Melbourne noong Marso 2024, binanggit ni Speaker Romualdez na nagkasundo ang dalawang bansa na palakasin ang kalakalan ng bigas sa pagitan ng Pilipinas at Cambodia, at ang mga patuloy na pagsisikap na tugunan ang isyu ng double taxation at mapadali ang mga proseso sa negosyo.

Gayundin, sa naging bilateral meeting noong Nobyembre 2022 sa pagitan ng Pangulo at Prime Minister Hun Sen sa 40th at 41st ASEAN Summit and Related Summit, inalok ng huli ang Cambodia na mag-supply ng bigas sa Pilipinas at inimbitahan ang Pilipinas na mamuhunan sa pagpapabuti ng mga kagamitang pang-agrikultura at imprastruktura ng Cambodia, tulad ng mga rice mill at drying facilities.

Ipinaabot din ni Speaker Romualdez ang pasasalamat sa pagpapahalaga ng Cambodia sa pagpapalawak ng import at export market, at ibinahagi kay PM Hun Manet ang kanyang mga inaasahan para sa isang matagumpay na pagbisita sa Phnom Penh ng trade at investment mission ng Pilipinas na nakatakdang ganapin sa Enero 2025.

Bukod sa kalakalan ng bigas, tinalakay din nina Speaker Romualdez at Prime Minister Hun Manet ang pagpapalago sa turismo at people-to-people exchanges.

“Let me assure Your Excellency that the House of Representatives remains ready to enhance and deepen our ties with the National Assembly of Cambodia through various initiatives under the Philippines-Cambodia Parliamentarians Friendship Group, Inc.,” saad ni Speaker Romualdez.

Sa mga usapin ng seguridad at depensa, muling pinagtibay nina Speaker Romualdez at Prime Minister Hun Manet ang kanilang pangakong pagtutulungan sa mga isyung nakakaapekto sa kapayapaan at seguridad ng rehiyon.

Ayon kay Speaker Romualdez, ang kanyang pagbisita ay isang makabuluhang hakbang tungo sa pagpapalakas ng relasyon ng Pilipinas at Cambodia, at ipinahayag din niya ang kanyang pag-asa sa patuloy na pag-unlad ng ugnayan ng dalawang bansa.

“I look forward to joining President Marcos in welcoming you to the Philippines in February for your Official Visit,” saad pa ng mababatas sa Cambodian PM.

“As close neighbors and ASEAN partners, the Philippines and Cambodia share a mutual aspiration for growth and security. By working together, we can unlock new opportunities and create a better future for our peoples,” ayon pa kay Speaker Romualdez.