Martin2

Speaker Romualdez pinamamadali paglabas ng P40M tulong para sa mga apektado sa pagsabog ng Kanlaon

Mar Rodriguez Jun 4, 2024
103 Views

PINAMAMADALI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagpapalabas ng P40 milyong halaga ng tulong para sa mga naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon sa Negros Island.

Ito alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., at bukod pa sa P4 milyong halaga ng food packs mula sa Disaster Assistance Fund ni Speaker Romualdez.

Nakipag-ugnayan na si Speaker Romualdez sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE) upang maglaan ng tig-P20 milyon mula sa Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).

“These funds will provide much-needed support to affected residents in Negros Oriental and Negros Occidental, ensuring they have the resources to cope with the disruptions caused by the eruption of Kanlaon Volcano,” ayon sa pinuno ng Kamara na mayroong mahigit 300 miyembro.

Ayon kay Speaker Romualdez ang mga apektadong residente mula sa unang distrito ng Negros Oriental na kinakatawan ni Rep. Jocelyn Limkaichong at ikaapat na distrito ng Negros Occidental na kinakatawan ni Rep. Juliet Marie de Leon-Ferrer ay tatanggap ng tig-P10 milyon mula sa AKAP at TUPAD.

Layunin ng ayuda na mabawasan ang paghihirap ng mga apektadong residente na napinsala ang kabuhayan at trabaho sa pagsabog ng bulkan.

Ang AKAP ay isang programa na naglalayong tulungan ang mga mahihirap, tulad ng mga kumikita ng “minimum wage.”

Habang ang TUPAD, ay isang community-based program na nagbibigay ng agarang tulong sa mga nangangailangan, partikular ang mga lumilikas, underemployed, at walang permanenteng trabaho.

Bukod pa rito, may P4 milyong halaga ng food packs na inilaan ang tanggapan ni Speaker Romualdez para sa dalawang apektadong distrito na mula sa kaniyang Disaster Assistance Fund.

“By providing these food packs, we aim to meet the urgent needs of our communities and ensure no one goes hungry during this difficult time,” ayon sa pinuno ng Kamara.

Binigyan diin ni Speaker Romualdez ang ginagawang pagsusumikap ng pamahalaan ni Pangulong Marcos upang mabilis na maihatid ang kinakailangang tulong sa mga apektadong mamamayan.

“President Marcos’ directive was clear: we must act swiftly and decisively to provide relief to those affected by this natural disaster,” ayon kay Speaker Romualdez.

“His commitment to the welfare of our people is unwavering, and this aid package reflects that dedication,” dagdag pa ng mambabatas.

Sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, (Phivolcs) naganap ang pagsabog ng Mt. Kanlaon alas-6:51 ng umaga ng Lunes, Hunyo 3.

Ang pagsabog ay nagdulot ng malakas na pagbuga ng abo at gas na umaabot ng 5,000 metro ang taas at pagdaloy ng mainit na abo mula 2-3 kilometro sa bahagi ng timog at timog silangan ng dalisdis ng bulkan.

Tumagal ang pagsabog ng may anim na minuto, na sinundan ng malakas na lindol. Iniulat din nga mga residente ang pagkakaroon ng ashfall at matinding amoy ng sulfur.