Martin

Speaker Romualdez pinuri mga magsasaka sa record-breaking rice production

Mar Rodriguez Feb 11, 2024
157 Views

IPINAABOT ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang kanyang pasasalamat at paghanga sa mga magsasakang Pilipino matapos na umabot sa 20 milyong tonelada ang produksyon ng bigas noong 2023.

Ayon kay Speaker Romualdez kinilala rin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., ang tagumpay na ito, kung saan tumaas ng 1.5 porsyento ang produksyon ng bigas kumpara noong 2022, kasabay ng pangako ng pamahalaan na makapagbigay ng dekalidad na binhi at pataba sa mga magsasaka.

Malaki umano ang naitulong ng mataas na produksyon ng bigas sa pag-angat ng halaga ng sektor ng agrikultura at pangisdaan na naitala sa P1.763 trilyon noong 2023, mas mataas kumpara sa P1.757 trilyon noong 2022.

“This exceptional achievement by our hardworking farmers is truly deserving of praise. They are undeniably the cornerstone and solution to our nation’s rice scarcity,” ani Speaker Romualdez.

“This historic rice harvest signifies a glimmer of hope in resolving the rice shortage predicament we faced in the past year,” dagdag pa ng pinuno ng Kamara.

Una na ring inanunsyo ni Pangulong Marcos, pinasang buo ni Speaker Romualdez, ang pag-unlad ng produksyon ng bigas sa bansa na nagpapakita ng kolektibong dedikasyon at pagsisikap ng mga Pilipino.

“Our combined efforts have resulted in an impressive rice production exceeding 20 million metric tons in 2023,” ayon sa pahayag ng Pangulo.

Matatandaan na noong Setyembre 2023 ay pinangunahan ni Speaker Romualdez ang pagsalakay sa mga bodega ng bigas sa Bulacan na pinaghihinalaang ilegal na nag-iimbak ng bigas na naglalayong lumikha ng artipisyal na kakulangan upang tumaas ang presyo nito.

Sa ginanap na pulong kasama ang mga kinatawan ng Philippine Rice Industry Stakeholders’ Movement (PRISM), tiniyak ni Speaker Romualdez ang suporta ng Mababang Kapulungan sa pagsugpo sa mga hoarder at smuggler, bilang kaisa sa pagsisikap ng administrasyong Marcos na mapanatiling matatag ang presyo at suplay ng bigas sa bansa.

“If you want to be part of the solution, you are with us, we will help you, we’re going to support you. But if you’re part of the problem, we will root you out,” mariing pahayag ni Speaker Romualdez.

Magkatuwang na sinalakay noong 2023 ng Bureau of Customs (BoC) at ng mga miyembro ng Kamara ang imbakan ng bigas sa Bulacan na nagpapakita ng paninindigan ng pamahalaan laban sa mga mapagasamantalang negosyante.

Kasama ni Speaker Romualdez sa ginanap na pulong sina House Senior Deputy Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, Appropriations Committee Chairman at Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, Deputy Majority Leader Erwin Tulfo, Committee on Agriculture and Food Chair Mark Enverga, at Deputy Speaker at Quezon Rep. David Suarez.

Binigyan diin pa ng pinuno ng Kamara ang pagtiyak ng patuloy, matatag, at abot-kayang suplay ng mga pangunahing bilihin para sa mga Filipino.

Tiniyak din ni Romualdez na gagampanan ng Kamara ang mandato na pangalagaan ang interes ng publiko.