Martin3

Speaker Romualdez pinuri ng mga mangingisda sa mabilis na aksyon

159 Views

Sa isyu ng WPS, scholarship sa mahigit 1,000 anak  ng mangingisda;ice plant at gasolinahan pinamamadali

IKINATUWA ng mga lider ng mahigit 600 mangingisda sa Aborlan, Palawan na apektado ang kabuhayan dahil sa gusot sa West Philippine Sea, ang mabilis na aksyon ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa kanilang mga problema nitong Biyernes.

Pinamamadali ni Speaker Romualdez ang pagbibigay ng scholarship sa mahigit 1, 000 anak ng mga mangingisda, paglalagay ng ice plant at gasolinahan sa Aborlan bilang tulong sa mga mangingisda sa lugar sa kanyang maiksi ngunit makabuluhang pagbisita sa Palawan.

“Masayang masaya ang mga mangingisda dahil sa napakabilis na aksyon ni Speaker Romualdez kaya nagpapasalamat tayo sa mga tulong na ipinagkaloob niya,” ayon sa pahayag ng grupo ng mga mangingisda.

Lumapit sa tanggapan ng ACT-CIS extension office sa Palawan ang mga lider ng mahigit sa 600 mangingisda sa Aborlan para humingi ng tulong at ipaabot ang kanilang problema sa West Philippine Sea.

Nataon naman na bumisita si Romualdez sa Palawan nitong Biyernes para pasinayaan ang kanyang tanggapan sa Puerto Princesa kaya sinamantala ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo kasama ang kabaro na si ACT-CIS partylist Rep. Edvic Yap na ilapit ang problema ng mga mangingisda. Si Romualdez ang tumatayo ring caretaker ng 3rd district ng Palawan matapos pumanaw si Rep. Edward Hagedorn.

“Kahit wala sa programa at schedule, hinarap ni Speaker ang mga lider ng mga mangingisda at agad pinakinggan ang problema ng mga ito,” ayon kay Tulfo.

Sumbong ng mga mangingisda kay Speaker na apektado na ang kanilang pamumuhay sa lugar dahil sa mas malalaking mga bangka ng China na patuloy na nakakaapekto sa kanilang kabuhayan.

Kabilang sa kanilang hiniling ang tulong sa pag-aaral ng kanilang mga anak. Nakiusap din sila na tulungan sila na magkaroon ng sariling ice plant at gasolinahan sa lugar para sa mga pangangailangan ng mga mangingisda.

“Maliliit ang aming bangka hindi kayang sumabay sa malalaking bangka at madalas na pangbu-bully kaya naitutulak kami sa tabi,” ayon sa lider ng mangingisda.

“Lumiit po talaga ang kita namin dahil po doon yung kita po talaga namin araw-araw apektado na talaga. Yung mga pagaaral ng mga anak namin apektado na rin,” ayo pa sa isang mangingisda

“Hindi na po kami makalaot ng maayos. Ang hiling namin sa mga anak namin sana po kung merong scholarship,” giit naman ng isang mangingisda.

Bukod dito humihiling din ng pangkabuhayan ang mga mangingisda bilang alternatibo tuwing hindi sila makalaot para mangisda.

“Diretsahan na lang, kumuha tayo ng lahat ng listahan ng mga estudyante, bigyan natin ng scholarship. Ganun kasimple. Kung namomroblema kayo sa edukasyon scholarship na lang diretso na lang,” mabilis na tugon ni Speaker sa mga mangingisda.

Sinabi pa ni Speaker na makikipag-konsulta siya kay Rep. Jose C. Alvarez ng 2nd district ng Palawan para mabigyan ng mas malalaking bangka ang mga mangingisda para hindi na sila nabu-bully ng China.

Pinamamadali rin niya ang paglalagay ng ice plant at gasolinahan sa Aborlan na hiling pa rin ng mga mangingisda.

“Tapos isang fuel storage diyan sa Aborlan. Kausapin natin si Mr. Ramon Ang para maglagay ng fuel storage facility. Tapos yung mas malaking mga bangka ayusin natin,” dagdag ni Romualdez.

Pinamamadali rin ni Romualdez ang pagbibigay ng alternatibong kabuhayan sa mga mangingisda tulad ng mga food processing facilities para magbigay ng kabuhayan sa pamilya ng mga mangingisda.

“Yung livelihood nyo tutulong tayo sa livelihood nyo,” anang Speaker.