Martin3

Speaker Romualdez pinuri paglagda sa P170.6B PPP agreement para sa rehabilitasyon ng NAIA

Mar Rodriguez Mar 18, 2024
113 Views

PINURI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang paglagda sa P170.6 bilyong Public-Private Partnership (PPP) concession agreement na inaasahang magpapaganda sa pasilidad at serbisyong hatid ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Si Romualdez, kasama sina Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. at Executive Secretary Lucas Bersamin ay nagsilbing saksi sa paglagda sa PPP agreement nina San Miguel Corporation President at CEO Ramon Ang, Transportation Secretary Jaime Bautista, at Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Eric Jose Ines. Ginaganap ito sa Malacanang.

Kinilala rin ni Speaker Romualdez ang sama-samang pagsisikap ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. at ng pribadong sektor upang mapaganda ang pasilidad at serbisyo sa NAIA na makatutulong umano sa pagpapaganda ng turismo ng bansa.

“The rehabilitation and operation of NAIA under this PPP framework demonstrate the unwavering commitment of the administration of President Marcos, Jr. to fostering sustainable growth and innovation in our transportation infrastructure,” sabi ni Speaker Romualdez.

“This momentous occasion signals a new era of progress and efficiency for NAIA,” dagdag pa ni Speaker Romualdez, lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 miyembro.

Iginiit ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng PPP project upang tugunan ang hamon at balakid sa pagpapataas ng kapasidad ng paliparan upang dumami ang pasaherong makagagamit nito.

Malaki rin umano ang potensyal na umangat sa world-class standard ang NAIA, ang pangunahing paliparan sa bansa.

“The revitalization of NAIA also promises broader economic benefits for our country and our people, including job creation, increased tourism, and greater connectivity with global markets,” punto ni Speaker Romualdez.

Muli ring iginiit ni Speaker Romualdez ang dedikasyon ng gobyerno upang maging kaiga-igaya sa mga mamumuhunan ang bansa.

Ipinangako rin ni Speaker Romualdez ang suporta ng Kamara upang masiguro na magiging matagumpay ang implementasyon ng mahalagang proyektong ito.

“We remain committed to working closely with all stakeholders to overcome challenges, uphold transparency, and deliver tangible benefits to the Filipino people,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

Ang SMC-SAP & Co. Consortium, na binubuo ng San Miguel Holdings Corp., RMM Asian Logistics, Inc., RLW Aviation Development, Inc., at Incheon International Airport Corp. ang nakakuha ng P170.6 bilyong PPP project, matapos na magbigay ng 82.16 porsyentong revenue share sa gobyerno.

Inaasahan na pagagandahin ng SMC-SAP & Co. Consortium ang NAIA complex kasama ang mga pasilidad nito gaya ng runway, taxiway, ramp areas, at firefighting facility.

Sa pagbabagong gagawin sa NAIA, inaasahan na tataas ang passenger capacity nito sa 60 milyon kada taon mula sa kasalukuyang 32 milyon.

Ayon sa Manila International Airport Authority, ang turnover ng maintenance sa bagong maintenance operator ay sa ikalawang semestre ng taon. Ang kasunduan ay tatagal ng 15 taon at maaaring ma-extend ng 10 taon.

Ang MIAA ang mangangasiwa sa ginagawa ng pribadong operator at magtatakda ng pamantayan sa kanilang gagawin.

Ang PPP deal ay inaasahang lilikha ng P900 bilyong kita sa gobyerno sa loob ng 15 taon.