Calendar

Speaker Romualdez pinuri pinalawig na benepisyo ng mga pasyente
PINURI ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa pagpapalawak ng benepisyo ng mga pasyente, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., partikular ang bagong outpatient emergency care coverage at mas mataas na case rate packages para sa mga malubhang karamdaman.
Ayon kay Speaker Romualdez, isa itong mahalagang hakbang upang mabawasan ang gastos sa pagpapagamot ng mga Pilipino.
“Ito ang klase ng repormang diretsong nararamdaman ng tao. Mas maraming Pilipino na ngayon ang makakapagpagamot agad, hindi na kailangang maghintay ng matagal o matakot sa gastos bago magpunta sa ospital,” ani Speaker Romualdez, isang abogado mula sa University of the Philippines (UP).
Sa ilalim ng Facility-Based Emergency (FBE) benefit, na bahagi ng Outpatient Emergency Care Benefit (OECB) package, ang mga miyembro ng PhilHealth ay maaaring bigyan ng serbisyong medikal sa mga accredited na ospital kahit hindi ma-confine ang mga ito.
Dati, maraming mahihirap na pasyente ang hindi natutulungan o napipilitang ipagpaliban ang kanilang pagpapagamot dahil limitado lamang ang sinasagot ng PhilHealth.
Malaki na rin ang itinaas ng case rate packages ng PhilHealth para sa halos 9,000 kondisyong medikal. Dahil dito, mas mataas na ang tulong-pinansyal na matatanggap ng mga pasyente para sa paggamot sa pulmonya, kanser, operasyon sa puso, serbisyong pangkalusugan para sa mga ina at iba pang mahalagang gamutan.
Ayon kay Speaker Romualdez, ang mga pagbabagong ito ay nagbibigay ng malaking ginhawa sa maraming pamilyang Pilipino.
“Ang sakit, hindi dapat nagiging pabigat sa bulsa ng bawat Pilipino. Dati, ang isang simpleng sakit tulad ng pulmonya ay maaaring magdulot ng pagkabaon sa utang. Ngayon, mas malaki na ang sagot ng PhilHealth, at mas maraming buhay na ang maliligtas,” aniya.
Kasabay ng pagdiriwang sa pagbabagong ito, kinilala rin ni Speaker Romualdez ang pangangailangan upang mas maging accessible at episyente ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa bansa.
Binigyang-diin niya ang pangangailangang mapabilis ang pagproseso ng mga claim, mapabuti ang akreditasyon ng mga ospital upang mas marami pang pasilidad ang makapagbigay ng PhilHealth-covered treatments, at mapalakas ang kampanya sa pagbibigay-kaalaman sa publiko upang mas maraming Pilipino ang magkaroon ng sapat na kaalaman tungkol sa kanilang pinalawak na benepisyo.
Bilang pinuno ng 306-miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, muling tiniyak ni Speaker Romualdez ang kanyang paninindigan na unahin ang mga reporma sa serbisyong pangkalusugan para maprotektahan ang mga Pilipino mula sa matinding gastusin at matiyak na ang dekalidad na serbisyong medikal ay abot-kamay ng lahat.
Binigyang-diin niya na ang pagpapalawak ng saklaw ng PhilHealth ay simula pa lamang at ang mas mahalaga ngayon ay ang epektibong pagpapatupad nito at ang pagtitiyak na matatanggap ito ng mga tunay na nangangailangan.
“Malaking hakbang ito, pero hindi pa tapos ang laban. Ang totoong pagsubok ay siguraduhin na walang Pilipinong napagkakaitan ng serbisyong medikal. Dapat madali, mabilis, at episyente ang proseso. Ang serbisyong pangkalusugan ay hindi dapat isang pribilehiyo—dapat ito’y karapatan ng bawat Pilipino,” diin ni Speaker Romualdez.
“Sa dulo, hindi lang ito tungkol sa budget o benepisyo. Tungkol ito sa buhay ng bawat Pilipino. Kaya dapat tayo mismo—gobyerno, ospital, at taumbayan—ay magkaisa upang tiyakin na ang serbisyong ito ay tunay na mararamdaman ng lahat,” pagtatapos ng lider ng Kamara.